PPA maayos at maluwag na biyahe sa mga pantalan ngayong Undas 2026 sa kabila ng pagbaba ng bilang ng mga pasahero.
03 NOBYEMBRE 2026 — Naging maayos at maluwag ang daloy ng operasyon sa mga pantalan na pinangangasiwaan ng Philippine Ports Authority (PPA) ngayong Undas 2026 kung saan umabot sa 1.36 milyon ang mga pasaherong bumiyahe mula ika-27 ng Oktubre hanggang ika-2 ng Nobyembre, batay sa inisyal na datos ng ahensya. Mas mababa ito nang humigit-kumulang 16 porsiyento kumpara sa 1.62 milyon na naitala sa kaparehong panahon noong 2025.
Ilan sa mga pantalan na nakapagtala ng pagbaba ng passenger traffic ay ang PMO Panay/Guimaras, kung saan bumaba nang humigit-kumulang 25 porsiyento ang bilang ng mga pasahero na siyang pinaka-una sa listahan ng may pinakamaraming pasahero, mula 326,440 noong nakaraang taon tungo sa 244,331 ngayong Undas. Habang PMO MarQuez naman kung saan naroon ang bagong bukas na mas malawak at mas malaking Port of Lucena ay naitala ang 43,211 pasahero kumpara sa 52,931 noong 2025.
Ibinahagi ni PPA General Manager Jay Santiago ang kapansin-pansing pagbaba ng bilang ng mga pasahero na karaniwang may mataas na passenger traffic tuwing peak season.
“Sa Batangas Port, on a daily basis kapag peak season po tayo, kasama ang Undas, nagre-range po tayo between 17,000 hanggang 18,000 hanggang 21,000 passengers a day. Ito pong October 31, sa isang araw, nakapagtala lamang po tayo ng halos 7,000 hanggang 8,000,” ani Santiago.
Ayon kay GM Jay Santiago, ilan sa mga posibleng dahilan nito ay ang mas maikling holiday break ngayong Undas at ang pagtaas ng pamasahe sa barko na tinatayang nasa 10 hanggang 15 porsiyento. Dagdag pa niya, posibleng ipinagpaliban ng ilang pasahero ang kanilang mga biyahe upang samantalahin ang mas mahabang holiday break mula Nobyembre 14 hanggang 18, na kasabay ng pagdaraos ng ASEAN Summit.
“Sa assessment po namin, nakikita po namin na dahil maiksi lamang naman yung break, from Saturday to Monday lang, naisip po namin at na-anticipate namin na baka yung mga kababayan natin ay ipinagpaliban na muna ang pagbiyahe nila para sa susunod na linggo,” ani GM Santiago.
Samantala, para makatulong sa mataas na gastusin ay patuloy na nagsasagawa ang PPA ng mga hakbang upang gawing mas abot-kaya at komportable ang karanasan ng mga pasahero. Kabilang dito ang libreng meals sa mga pasahero na bumyahe nitong undas at ang pansamantalang libreng paggamit ng passenger terminal sa bagong Passenger Terminal Building (PTB) sa Port of Lucena hanggang Disyembre 31, 2026. Sa ilalim nito, maaaring gamitin ng mga pasahero ang pasilidad nang walang karagdagang terminal fee.
Kasabay nito, nagpapatuloy ang pagpapahusay at modernisasyon ng mga pasilidad sa mga pantalan sa buong bansa. Kabilang sa mga bagong pasilidad na pinasinayaan ngayong taon ang Port Operations Building sa Port of Benoni sa Camiguin at ang mga pasilidad sa Port of Banago sa Bacolod, na naglalayong magbigay ng mas maayos at komportableng serbisyo sa mga pasahero.
Inilunsad din ng PPA ang paggamit ng Online Reservation Assistance System (ORAS) sa mga piling pantalan upang matulungan ang mga pasahero sa pagpaplano ng kanilang biyahe. Sa pamamagitan ng online reservation at onsite assistance, mas napapadali ang pagkuha ng impormasyon at pag-aayos ng kanilang pagpunta sa pantalan. Bilang paghahanda sa inaasahang pagdami ng mga pasahero sa susunod na long weekend, muling ipatutupad ng PPA ang mga kaukulang hakbang upang matiyak ang maayos na daloy ng operasyon sa mga pantalan, gayundin ang ligtas at komportableng paglalakbay ng publiko.
###
