Tiniyak ng PPA ang maayos na operasyon at kahandaan ng mga pantalan sa bansa sa pagdami ng mga pasahero ngayong ASEAN Long Weekend.
14 NOBYEMBRE 2026 — Tiniyak ng Philippine Ports Authority (PPA) ang kahandaan ng mga pantalan na tugunan ang pagdami ng mga pasahero ngayong Sabado kasabay ng pagsisimula ng ASEAN Long Weekend, kung saan inaasahang mas maraming Pilipino ang bibiyahe upang makauwi sa kanilang mga probinsya, makasama ang kanilang mga mahal sa buhay, at bumisita sa iba't ibang destinasyong panturismo.
Sa patuloy na pagmomonitor ng mga pangunahing pantalan sa bansa, batay sa datos ng PPA hanggang alas-12:00 ng tanghali ngayong araw ng Sabado, nakapagtala ang Batangas Port ng 10,593 pasahero, kapansin-pansing mas mataas nang 13 porsiyento kumpara sa humigit kumulang 9,000 na pasaherong naitala sa kaparehong oras nitong mga nakaraang araw. Sa Port of Calapan naman, umabot sa 3,350 ang kabuuang bilang ng mga pasahero, kabilang ang 1,218 na paalis at 2,132 na dumarating. Naitala rin dito ang 871 rolling cargoes (RCs), na binubuo ng 281 outbound at 590 inbound. Samantala, nakapagtala ang Baseport Lucena ng 1,920 pasahero, habang umabot sa 1,685 ang bilang sa Terminal Management Office (TMO) Balanacan sa Marinduque.
Sa kabila ng pagdami ng mga pasahero, nananatiling normal ang operasyon sa mga pantalan, gaya nang nabanggit ni PPA General Manager Santiago nitong Undas, maagang naghanda ang mga pantalan sa ASEAN Long weekend dahil kakaunti ang bumyahe nitong Undas.
“Maaga po tayo nakapaghanda lalo't namonitor natin yung mga pasahero nitong Undas, kaya't tinitiyak natin na maayos ang operasyon sa ating mga pantalan at handa ang ating mga tauhan na magbigay ng kinakailangang tulong upang maging ligtas, maginhawa, at maayos ang paglalakbay ng bawat pasahero,” pahayag ni PPA General Manager Jay Santiago.
Bilang bahagi ng patuloy na pagpapahusay sa karanasan ng mga biyahero sa mga pangunahing pantalan, mayroong maluluwag at naka-air condition na waiting areas, mga kainan, libreng Wi-Fi, charging stations, at passenger assistance services sa mga passenger terminal. Bukod sa pagiging maginhawang paglalakbay, nagsisilbi ring daan ang mga pantalan upang mas makilala at mapuntahan ng mga Pilipino ang iba't ibang lokal na destinasyong panturismo. Kaugnay nito, hinihikayat rin ng PPA ang publiko na isama sa kanilang mga plano ngayong mahabang bakasyon ang pagtuklas sa mga atraksyong maaaring marating sa pamamagitan ng sea travel.
Kabilang sa mga maaaring puntahan ang Samal Island, Hagimit Falls, at Monfort Bat Sanctuary sa pamamagitan ng Port of Davao; Puerto Galera, Tamaraw Falls, at iba pang likas na atraksyon sa pamamagitan ng Port of Calapan; at Poctoy White Beach, Tres Reyes Islands, at makasaysayang bayan ng Boac sa pamamagitan ng Port of Lucena. Nagbibigay naman ang Batangas Port ng koneksyon patungo sa Oriental Mindoro at iba pang mga isla, habang maaaring marating mula sa Port of Banago ang mga atraksyon sa Negros Occidental, gaya ng The Ruins sa Talisay City, Mambukal Resort and Wildlife Sanctuary, at Lakawon Island.
Sa patuloy na pagpapabuti ng mga pasilidad, serbisyo, at operasyon sa mga pantalan, isinusulong ng PPA ang mas ligtas, maayos, at komportableng paglalakbay sa dagat, habang sinusuportahan ang turismo at pagbibigay ng mas maraming pagkakataon sa mga Pilipino na matuklasan ang ganda ng iba't ibang destinasyon sa bansa.
###
