PPA SINUBOK ANG KAHANDAAN SA LINDOL; CALAPAN PORT NAKARANAS NG MAGNITUDE 5 NA PAGYANIG

PPA SINUBOK ANG KAHANDAAN SA LINDOL; CALAPAN PORT NAKARANAS NG MAGNITUDE 5 NA PAGYANIG

Pinagtibay ng PPA ang kahandaan sa lindol sa pamamagitan ng emergency drills at response exercises.

01 OKTUBRE 2026 — Nanatiling ligtas at maayos ang operasyon sa Port of Calapan kasunod ng magnitude 5.0 na lindol na may lakas na Intensity III nitong ika-30 ng Setyembre, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS). Walang naiulat na pinsala sa pasilidad o nasugatan sa pantalan, habang nanatiling alerto ang mga tauhan at nakahanda sa agarang pagtugon sakaling magkaroon ng anumang epekto sa operasyon at kaligtasan ng mga pasahero at iba pang port users.

Kasabay nito, sinubok rin ang kahandaan ng mga tauhan at mga pasilidad ng PPA sa ganitong sitwasyon ay patuloy na pinapalakas sa pamamagitan ng regular na pagsasanay, emergency response exercises, at pakikilahok sa mga disaster preparedness activities, kabilang ang 3rd National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) na isinagawa sa PPA Head Office at sa iba’t ibang Port Management Offices (PMOs) sa buong bansa upang masubukan ang kakayahan ng mga personnel na kumilos nang mabilis at naaayon sa itinakdang emergency procedures sa oras ng lindol.

Ang pagsasanay ng PPA, ay nakatuon sa mabilis na paglikas, maayos na accounting ng personnel, pagsusuri sa kalagayan ng mga pasilidad, at koordinasyon ng mga response team upang matiyak na malinaw ang mga tungkulin at proseso sa oras ng aktuwal na emergency.

Bukod sa “Duck, Cover, and Hold,” evacuation exercises, first aid, rescue simulations, sinubok rin ang paggamit sa patient transport vehicles para sa agarang pagtugon sa mga posibleng medical emergencies at pangangailangan sa transportasyon sa panahon ng sakuna.

"Ngayong buwan ng Setyembre nagdeploy na rin tayo ng mga Emergency Response Vehicles (ERV) para sa mas mabilis na pagresponde sa anumang kalamidad o pangangailangan, bukod pa po ito sa mga firetrucks at mga Patient Transport Vehicles na nakahanda sa mga pantalan. May kakayahan po ang pantalan sa mga di inaasahang pagkakataon", saad ni PPA General Manager Jay Santiago.

Bilang mga pangunahing gateway ng mga pasahero, kargamento, at essential goods, mahalagang mapanatili ng mga pantalan ang mataas na antas ng kahandaan upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit at nagtatrabaho sa kanilang mga pasilidad. Patuloy na isinasagawa ng PPA ang earthquake drills, emergency response exercises, structural assessments, at koordinasyon sa mga concerned agencies bilang bahagi ng pangmatagalang pagsisikap nitong palakasin ang disaster preparedness, protektahan ang buhay, at mapanatiling ligtas at maayos ang operasyon ng mga pantalan sa panahon ng sakuna.

 

###