PPA nakapagtala ng 2.23M pasahero ngayong Semana Santa 2026; ORAS umagapay sa biyahe.
06 ABRIL 2026 — Umabot sa 2.23 milyong pasahero ang naitala at naserbisyuhan ng Philippine Ports Authority (PPA) sa katatapos lamang na paggunita ng Semana Santa 2026 (9-day period) mula sa mga pantalan sa buong bansa mula Palm Sunday hanggang Easter Sunday na nangangahulugan ng 7% decrease kumpara sa naitalang 2.41M na pasahero nitong nakaraang taon sa kaparehong panahon.
Kabilang sa mga Port Management Offices (PMOs) na nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng pasahero ay ang PMO Panay/Guimaras, PMO Batangas, PMO Negros Oriental/Siquijor, PMO Mindoro, at PMO Davao. Sa kabila ng bahagyang pagbaba ng bilang ng mga biyahero kumpara noong nakaraang taon, nananatiling maayos ang daloy ng operasyon sa mga pantalan.
Wala namang naitalang aksidente o untoward incident sa mga pantalan ngayong Semana Santa 2026 lalo’t mas kaunti ang bumiyahe ngayong taon kumpara sa nakaraaang taon bunsod na rin ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.
“Kung mapapansin po natin, hindi katulad dati na dagsa ang mga pasahero sa pantalan dahil na rin sa mataas na pamasahe at produktong petrolyo, gayunpaman nanatili pong maayos at organisado ang Semana Santa 2026 sa maaga nating paghahanda at dahil na rin sa pakikiisa ng mga pasahero sa mga ipinatutupad natin na bagong sistema para maayos ang kanilang karanasan sa pantalan,” ayon kay General Manager Jay Santiago.
Pangunahing nakitang dahilan sa pagbaba ng bilang ng mga pasaherong umuwi sa kani-kanilang probinsya ngayong Semana Santa ay dahil sa pagtaas ng presyo ng langis na nagbunga rin ng pagtaas sa pamasahe sa barko. May ilan din na piniling bumiyahe sa mga araw na hindi peak season upang makaiwas sa dagsa ng mga pasahero, habang ang ilan ay hindi muna gumastos sa pagbiyahe sa malayong lugar upang makatipid.
Matatandaan na bago ang Semana Santa, naglunsad ang ahensya sa Online Reservation Assistance System (ORAS) sa ilang pantalan na layong mapadali ang pagbili ng ticket ng barko at maiwasan ang mahabang pila ng mga pasahero. Ayon sa ilang mga pasahero na nakagamit na ng ORAS, nakatulong ang sistema para sa kanilang siguradong slot para sa ticket ng barko bago pa man sila makarating sa pantalan, bagama’t may ilan na nanibago sa paggamit nito sa unang pagkakataon.
Sa pangkalahatan, naging maayos at payapa ang biyahe ng mga pasahero sa mga pantalang nasa ilalim ng pamamahala ng PPA at nagpapatuloy pa rin ang paggawa ng PPA ng mga paraan upang mas maging episyente ang byahe ng mga pasahero sa kabila ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.
###
