PPASYAL TAYO SA MGA LOKAL NA DESTINASYON: MAS MARAMING PASAHERO NAITALA SA MGA PANTALAN NGAYONG ASEAN LONG WEEKEND

PPASYAL TAYO SA MGA LOKAL NA DESTINASYON: MAS MARAMING PASAHERO NAITALA SA MGA PANTALAN NGAYONG ASEAN LONG WEEKEND

PPA itinampok ang mga lokal na destinasyong panturismo sa pamamagitan ng mga pantalan sa bansa, kasabay ng ASEAN Long Weekend.

16 NOBYEMBRE 2026 – Ngayong ASEAN long weekend, naitala sa mga pantalan sa ilalim ng PPA ang pagdami ng mga pasahero na patungo sa mga lokal na destinasyon na malapit sa mga pantalan.

Sa Batangas Port, mula sa karaniwang humigit kumulang na humigit kumulang 7,000 na pasahero sa ordinaryong araw, naitala ang humigit kumulang 15,000 na pasahero kada araw mula nitong weekend. Karamihan sa mga pasahero na naitala ng Batangas Port ay patungo sa Puerto Galera na kilalang sikat na tourist destination pagdating sa beaches at waterfalls. Mula sa Batangas Port, maaari na ring tumawid patungo sa Port of Calapan, na may kabuuang 22,673 pasahero simula Nobyembre 13, 2026 hanggang sa kasalukuyan. Habang ang Port of Puerto Galera ay may 6,377 pasahero sa parehong panahon. Samantala, nakapagtala ang Port Management Office Marinduque/Quezon ng 21,542 pasahero, na mas mataas ng 5,643 kumpara noong nakaraang taon.

Bukod sa mga pantalan sa Luzon, dinarayo rin ng mga pasahero at turista ang mga pasyalan sa Visayas at Mindanao gaya ng The Ruins sa Talisay City mula sa Port of Bacolod maari ring tumawid patungo sa Negros Occidental at Guimaras na kilala sa matatamis na mangga.

Mula naman sa Ozamis Port maari ring bumyahe ng RoRo patungo sa Baseport of Iligan kung nais pumunta sa Iligan City na tinaguriang City of Majestic Waterfalls. Kung galing naman Maynila at nais ng abot kayang byahe tungong Bohol, may available na byahe rin mula Manila Northport patungong Tagbilaran Port kung saan makikita ang payapang Loboc river at ang sikat na Bilar Man-made forest.

"Sa patuloy na pagpapabuti ng mga pasilidad at serbisyo ng PPA, mas pinagsisikapan nating gawing maayos at komportable ang paglalakbay ng bawat pasahero. Handa ang ating mga pantalan na salubungin kayo at maging bahagi ng inyong mga biyaheng puno ng masasayang karanasan, mula sa mga karatig-lugar hanggang sa mga tanyag na destinasyon sa iba't ibang panig ng bansa," ayon kay PPA General Manager Jay Santiago.

Ang bawat pantalan sa ilalim ng PPA ay may hatid na mas maayos na karanasan sa mga pasahero sa pamamagitan ng mas pinagandang mga pasilidad, bagong mga ruta, at mas pinadaling byahe patungo sa mga lokal na pasyalan na maaring puntahan anumang araw hindi lamang ngayong ASEAN long weekend.

 

###