PPA GM SANTIAGO TINIYAK ANG LIGTAS AT MAAYOS NA BIYAHE NGAYONG KAPASKUHAN, NAGBABALA SA MGA MAPAPATUNAYANG SANGKOT NA ‘FIXER’

PPA GM SANTIAGO TINIYAK ANG LIGTAS AT MAAYOS NA BIYAHE NGAYONG KAPASKUHAN, NAGBABALA SA MGA MAPAPATUNAYANG SANGKOT NA ‘FIXER’

PPA GM Jay Santiago nag-inspeksyon sa Batangas Port upang matiyak ang maayos na operasyon at proteksyon ng mga pasahero laban sa mga fixers ngayong holiday rush

22 DISYEMBRE 2025 — Mismong si PPA General Manager Jay Santiago ang bumungad sa mga pasahero ng Batangas Port ngayong  Disyembre 22, 2025, ilang araw bago magpasko upang tiyakin ang maayos at ligtas na byahe mga pasaherong uuwi sa probinsya at mga magbabakasyon sa long weekend.

Mula sa pila ng mga sasakyan sa labas ng Passenger Terminal Building ng Batangas Port, tiniyak ng pamunuan ng PPA na pagpasok pa lang ng pantalan ay walang aberya sa mga pasaherong may dalang sasakyan at pati na rin ang mga pasaherong sakay ng mga bus patungo sa pantalan. Sa pakikipag-usap ni GM Santiago sa mga pasahero sa labas na nag-iintay makasakay, pinaalalahanan nito ang mga uuwi ng probinsya na wag tatangkilikin ang mga nag-aalok na ‘fixer’ na nakadamit sibilyan at nag-aalok ng pagsingit sa pila at mas mahal na presyo ng ticket kasabay ng paghimok sa publiko na i-report sa port police ang sinumang ‘fixer’ na mag-aalok sa mga pasahero upang magkaroon ng tamang aksyon laban dito.

“Kung may mga tauhan kami mismo dito sa PPA, either security guard or port police, tatanggalin ko on the spot. Wala nang argumento ’yon,” hamon ni GM Santiago sa mga pasahero kasabay ng mga kumakalat sa social media na mga umano’y nabiktima ng fixer sa pantalan.

Paglilinaw ng pamunuan ng PPA, walang sinisingil ang sinumang tauhan ng PPA sa mga pasaherong nais lamang pumasok sa pantalan.

“Magtulungan po tayo para masawata ang ganitong problema, matigil, kailangan talaga nating lumantad at mag-file tayo ng pormal na complaint at para mahabol natin kung sino itong mga naglipanang mga fixers na ito. Pero linawin ko lang, mayroon tayong prosesong sinusunod, ‘di naman pwedeng damputin na lang natin,” dagdag pa ni GM Santiago.

Sinuri rin nito ang kalagayan ng passenger terminal, waiting area, at mga pasilidad na ginagamit ng publiko habang naghihintay ng kanilang biyahe kung saan inatasan nito ang mga naka-duty sa ticketing booth ng mga shipping lines na payagan nang bumili ng ticket ang mga pasahero para sa susunod na available na biyahe kahit sa ibang araw o oras pa ito. Layunin nito na mabawasan na ang mga nakapilang pasahero sa tapat ng ticketing booth at agad silang makapasok sa passenger lounge.

“Ginagawa naman po natin ang lahat, ang hiling ko lang sa mga kababayan natin konting pasensya lamang po, sa panig ng PPA ay sinisigurado po namin na maging komportable ang inyong pananatili dito sa pantalan habang naghihintay po tayo ng mga dagdag na barko para kayo ay madala sa inyong destinasyon ngayong Kapaskuhan,” dagdag niya.

Mayroon na ring mabibilihan ng pagkain sa mga pasaherong nag-aantay ng byahe, mga charging station, at water refilling station para sa mga nag-aantay pati na ang mga pasilidad gaya ng children’s playroom, prayer room, at espeyal na lugar para sa mga PWD, buntis, at mga may kasamang matanda.

Sa kabuuang passenger statistics ng mga pantalan nasa ilalim ng PPA, nasa 4.6M ang inaasahang bilang ng pasahero sa buong bansa mula 15 ng Diyembre hanggang  5 ng Enero sa bagong taon at isa ang Batangas port sa may pinakamaraming pasahero sa kabuuan kabilang na rin ang Port of Iloilo, Bacolod, Davao, at Bohol.

Bukas rin 24/7 ang mga help desk at ang social media accounts ng PPA sa anumang reklamo o concern sa byahe sa mga pantalan upang matiyak ang ligtas, maayos, at komportableng paglalakbay ng publiko sa lahat ng pantalan ngayong panahon ng Kapaskuhan.

###