Muling inilunsad ng PPA ang ORAS na magagamit simula Oktubre 24 sa mga piling pantalan ngayong Undas.
21 OKTUBRE 2026 – Bilang paghahanda sa inaasahang pagdami ng mga pasaherong gagamit ng mga pantalan buong bansa ngayong Undas, muling inilunsad ng Philippine Ports Authority (PPA) ang Online Reservation Assistance System (ORAS) na magagamit simula sa ika-24 ng Oktubre upang matulungan ang mga pasahero na maagang planuhin ang kanilang biyahe at maiwasan ang mahabang pila sa bilihan ng ticket sa mga piling pantalan.
Sa pamamagitan ng ORAS, maaaring tingnan ng mga pasahero ang mga iskedyul ng barko, piliin ang nais na oras ng biyahe, at ilagay ang kinakailangang impormasyon sa online platform. Tatlong simpleng hakbang lamang ang kailangang sundin: SCAN, CHOOSE, RESERVE. Ngayong Undas, may dalawang (2) oras ang validity ng ORAS Pass bago ang nakatakdang biyahe, mula sa dating tatlong (3) oras. Isinagawa ang pagbabagong ito bilang tugon sa mga rekomendasyon at feedback ng mga pasahero mula sa nakaraang implementasyon.
Saklaw ng implementasyon ang mga pantalan ng Lucena, Balanacan, Calapan at Batangas na isa sa may pinakamaraming pasahero tuwing Undas. Malaking tulong sa pagpaplano ng byahe at sa mas maayos na pamamahala ng daloy ng mga tao sa mga pantalan. Matatandaang unang ipinatupad ang ORAS mula Marso 30 hanggang Abril 8, 2026, sa panahon ng Semana Santa kung saan umabot sa 44.6% ang bilang ng mga pasaherong dumaan sa beripikasyon sa pamamagitan ng ORAS batay sa Passenger Statistics Report (PSR).
UNDAS 2026
Samantala, inaasahan ng PPA na aabot sa humigit kumulang 1.93M ang bilang ng mga pasaherong daraan sa mga pantalan mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 5, 2026, o 1.55 porsiyentong mas mataas kumpara sa 1.90M na naitala nitong nakaraang taon.
"Inaasahan na po natin na dadagsa pa rin ang mga pasahero dahil minsan lang ito sa isang taon and we are prepared for that. But then again, may mga factors rin po tayong kinokonsidera tulad ng mataas na presyo ng bilihin at gasolina na possibleng maging sanhi rin ng possibleng pagbaba ng mga pasahero sa undas, naka-ready naman po ang PPA sakaling kakaunti o mas mataas ang bilang mga pasahero." ayon kay PPA General Manager Jay Santiago.
Batay sa pagtataya ng PPA, inaasahang magkakaroon ng pinakamaraming pasahero ang Iloilo River Wharf na may 171,077, kasunod ang Babak Port na may 113,768, Batangas Port na may 108,766, Jordan Port na may 94,730, at Sasa Port na may 94,291.
Hinihikayat ng PPA ang mga pasahero na planuhin nang maaga ang kanilang mga biyahe, subaybayan ang mga opisyal na abiso ng mga pantalan, at makipag-ugnayan sa kani-kanilang shipping line para sa pinakabagong iskedyul ng biyahe upang maging mas maayos at maginhawa ang kanilang paglalakbay ngayong Undas.
###
