Batch 19-2026 Mapanatag, nagtapos sa tatlong buwang BPPC at handa nang gampanan ang kanilang tungkulin sa mga pantalan.
23 SETYEMBRE 2026 — Tatlong buwan ng masinsinang pagsasanay, disiplina, at mga hamon ang hinarap ng 31 bagong Port Police ng Philippine Ports Authority (PPA) bilang bahagi ng Batch 19-2026 “Mapanatag,” na pormal nang nagtapos sa Basic Port Police Course (BPPC) nitong ika-21 Setyembre sa PPA Head Office.
Pinangunahan ni PPA General Manager Jay Santiago ang graduation ceremony kung saan binigyang diin niya ang responsibilidad na kaakibat ng kanilang tungkulin bilang Port Police.
“May mga pagkakataon na susubok sa inyong kakayahan at paninindigan, may mga pagkakataon din kung saan ang inyong mga desisyon ay magkakaroon ng malaking epekto hindi lamang sa inyong sarili, bagkus sa buhay ng ibang tao,” ani GM Santiago.
Bago ang pagtatapos, isinagawa sa PPA Training Center sa La Union ang tatlong buwang pagsasanay upang ihanda ang mga bagong Port Police sa aktuwal na mga hamon ng kanilang tungkulin sa mga pantalan. Kabilang dito ang paglinang ng kanilang kaalaman sa pagpapatupad ng mga batas at polisiya, pagpapanatili ng seguridad at kaayusan, at pagtugon sa iba't ibang sitwasyon sa loob ng port environment. Kabilang sa kanilang mga pagsasanay ang high-risk stop, firearms exercises, silent drill, at iba pang tactical exercises na nakatuon sa disiplina, koordinasyon, at kahandaan sa pagtugon sa mga insidente.
Binigyang-diin naman ni PPO2 Phillip Villote, isa sa mga nagtapos sa Batch 19-2026 “Mapanatag,” ang halaga ng pagsasanay sa paghahanda sa kanilang aktuwal na tungkulin, lalo na para sa mga bagong talagang Port Police.
“It is very important po na sumabak po sa three months na pagsasanay, especially po sa amin na bagong na-hire na Port Police, kasi dito po namin malalaman kung ano po ang mga batas na aming i-implementa, ano po ang mga polisiya na dapat namin sundin sa pag-implementa sa pantalan. At napaka-importante din po para masanay din po ang aming isip, ang aming galaw, ang aming disiplina, ang aming unity po at para ma-apply po namin sa pantalan,” ani Villote.
Bago ang masigasig na training, sumailalim ang 31 trainees sa reception rites noong Hunyo bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa kurso. Sa loob ng tatlong buwan, hinarap nila ang mahigpit na training regimen na naglayong palakasin hindi lamang ang kanilang pisikal na kahandaan, kundi pati ang kanilang disiplina, teamwork, at kakayahang kumilos bilang isang yunit sa iba't ibang sitwasyon.
Sa graduation ceremony, ipinakita rin ng mga graduate ang ilan sa mga kasanayang kanilang hinasa sa buong training. Bilang pagkilala sa kanilang pagkumpleto ng BPPC, tumanggap sila ng certificates, awards, pins, at issued firearms.
Sa pagtatapos ng kanilang pagsasanay, itatalaga ang 31 bagong Port Police sa iba't ibang pantalan ng PPA upang gampanan ang kanilang tungkulin sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan, pangangalaga sa mga pasilidad, at pagbibigay ng ligtas at maayos na serbisyo sa mga port users. Sa kanilang deployment, inaasahang maisasabuhay nila ang mga kaalaman, kasanayan, disiplina, at teamwork na kanilang hinasa bilang bahagi ng Batch 19-2026 “Mapanatag.”
###
