PPA NAGLATAG NA NG PRE-EMPTIVE MEASURES PARA SA MGA PANTALAN NA TATAMAAN NG HAGUPIT NG BAGYONG WILMA

PPA NAGLATAG NA NG PRE-EMPTIVE MEASURES PARA SA MGA PANTALAN NA TATAMAAN NG HAGUPIT NG BAGYONG WILMA

PPA nag-abiso sa mga pantalan sa buong bansa para sa hagupit ng bagyong 'Wilma'

04 DISYEMBRE 2025 — Ilang mga pantalan na nasa ilalim ng pamamahala ng Philipine Ports Authority (PPA) ang nakapagtala na ng kanseladong byahe bunsod ng malakas na alon at hangin na dala ng Tropical Depression Wilma ngayong ika-apat ng Disyembre 2025. 

Kabilang sa mga may naitalang kanseladong byahe ay ang mga Port Management Office (PMO) na nasa bahagi ng Visayas at Mindanao, kabilang na ang PMO Western Leyte Biliran, PMO Eastern Leyte Samar, PMO Bohol, PMO Bicol, at PMO Surigao. 

Agad na ring nagbigay direktiba si PPA General Manager Jay Santiago sa lahat ng mga PMO na ipatupad ang mga hakbang pangkaligtasan sa ilalim ng Guidelines and Standard Operating Procedures sa mga pantalan tuwing mayroong sama ng panahon. Kabilang dito ang maigting na koordinasyon sa kanilang mga terminal operator at shipping lines para sa agarang assessment ng operasyon. Gayundin ang pagsisiguro na naipapaabot sa publiko ang anumang service advisory na may kaugnayan sa posibleng kanselasyon o pagkaantala ng biyahe.

"Wag na po natin antayin na may ma-aksidente pa sa ganitong uri ng panahon, malakas po ang hangin at alon sa mga pantalan kaya safety ng mga pasahero, port workers, at lahat ng stakeholders ang priority po ng PPA sa paglalabas ng mga hakbang para sa kaligtasan ng lahat,” ayon kay PPA General Manager Jay Santiago. 

Ipinatutupad din ang mahigpit na monitoring sa vessel movements at cargo handling operations. Tuwing mayroong sama ng panahon, tinitiyak din na sapat ang mga tauhan ng ahensya na may kaugnayan sa operasyon at kaligtasan ng mga pasahero para maipatupad ang safety protocols sa sandaling lumala ang kondisyon ng panahon.

Batay sa ulat ng PAGASA ngayong 11:00 AM, ang bagyong Wilma ay inaasahang kikilos pa-kanluran-timog-kanluran hanggang Sabado, Disyembre 6, bago tuluyang lumihis pa-kanluran. Sa kasalukuyang track, posibleng unang mag-landfall ang sentro ng bagyo sa Eastern Visayas o Dinagat Islands sa pagitan ng gabi ng Disyembre 5 at umaga ng Disyembre 6. Pagkatapos nito, tatawid ito sa Visayas hanggang Lunes, Disyembre 8, bago muling lumabas sa Sulu Sea at inaasahang dadaanan ang hilagang bahagi ng Palawan.

Nakahanda na rin ang mga ready-to-eat food packs sa mga pantalan na naisagawa katuwang ang Department of Social Welfare and Development upang tumugon sa pangangailangan ng mga mai-stranded na pasahero.

Nananawagan ang PPA sa publiko na sundin ang abiso mula sa mga kinauukulang ahensya at anunsyo ng kanilang mga shippines lines kaugnay ng kanilang biyahe. Maaari rin na alamin ang sitwasyon sa mga pantalan sa official social media pages ng ahensya

###