MGA MOTORISTA NAGPATUNAY NA WALANG NANGHIHINGI NG PERA BAGO MAKAPASOK SA BATANGAS PORT

MGA MOTORISTA NAGPATUNAY NA WALANG NANGHIHINGI NG PERA BAGO MAKAPASOK SA BATANGAS PORT

Mahigpit na ipinatutupad ng PPA ang “no gift policy” sa Batangas Port hinggil sa umano’y panghihingi ng pera sa labas ng pantalan.

30 OKTUBRE 2025 – Tumugon ang Philippine Ports Authority sa ilang mga komento at sumbong online kaugnay ng mga umano'y nanghihingi ng pera sa labas ng Batangas Port bago makapasok sa pantalan sa pamamagitan ng pag-deploy ng mga port police sa mga papasok na mga motorista ngayong araw, Oktubre 30, 2025.

Sa isinagawang inspeksyon at panayam, sinabi ng mga driver na nakausap ng ahensya na walang nanghihingi ng pera o anumang uri ng lagay sa kanilang pagpasok sa pantalan. Wala rin silang naranasang pamimilit kaugnay ng insurance o anumang dagdag bayarin.

Siniguro naman ng PPA at ng Port Management Office (PMO) ng Batangas na walang nagaganap na “lagayan” o anumang uri ng panunuhol sa loob ng Batangas Port, kasunod ng ilang komento sa social media. Kabilang sa mga komentong lumabas online ay ang mga akusasyon tungkol sa diumano’y nagbebenta ng insurance sa gate at may lagay umano ang mga guard. May nagsabi rin na may “nanghihingi ng pang-meryenda” sa marshalling area.

Paliwanag ng pamunuan ng ahensya, na simula nang maisara ang yellow gate sa pantalan ay nabigyan ng mas ligtas na daanan ang mga pasahero. Kasabay nito, nawala na rin ang mga nagbebenta ng insurance sa labas ng pantalan at pati na ang mga “fixer.”

Kaugnay nito, muling tiniyak ng PPA na patuloy ang kanilang mahigpit na pagpapatupad ng “no gift policy” sa lahat ng opisina nito at pantalan sa buong bansa. Dagdag pa rito, pinaigting din ang presensya ng mga Port Police at CCTV monitoring at body camera, upang matiyak ang seguridad at integridad ng operasyon, lalo na ngayong panahon ng Undas kung kailan dagsa ang mga pasahero at sasakyan.

“Ang Batangas Port ay isa sa pinakamalalaking passenger terminal building sa bansa kaya mahalaga po na malaman ng publiko na mahigpit ang pagbabantay at seguridad ng PPA dito. Maigi rin po na ipagbigay-alam ang mga scammers diretso sa PPA at mga awroridad upang maaksyunan po ito agad ng ahensya," paalala ni PPA General Manager Jay Santiago.  

Hinikayat naman ng PPA ang publiko na bago mag-post sa social media ng anumang kahina-hinalang aktibidad ay siguruhing may ebidensya at base lamang sa katotohanan ang ipapakalat na impormasyon para maiwasan ang paglaganap ng fake news. Bukas naman 24/7 ang social media pages ng PPA ngayong #UNDAS2025 para sa anumang katungan at paglilinaw ng mga pasahero ukol sa kanilang byahe.

###