PPA KAISA SA PROGRAMA NG PAMAHALAAN KONTRA GUTOM; EMERGENCY KIT PARA SA LINDOL IPINAMAHAGI SA 3,000 NA ESTUDYANTE

PPA KAISA SA PROGRAMA NG PAMAHALAAN KONTRA GUTOM; EMERGENCY KIT PARA SA LINDOL IPINAMAHAGI SA 3,000 NA ESTUDYANTE

PPA nagbigay ng suporta sa paglulunsad ng feeding program at pamamahagi ng Malasakit SOS Kit para sa 3,600 mag-aaral ng Old Balara Elementary School.

20 OKTUBRE 2025 — Kabahagi ang Philippine Ports Authority (PPA) sa paglunsad ng kauna-unahang feeding program para sa mga estudyanteng mula Grade 1-6  sa loob ng anim na buwan sa pangunguna ng Rise Against Hunger Philippines katuwang ang Department of Education at lokal na pamahalaan ng Quezon City na inilunsad na ngayong araw, ika 20 ng Oktubre 2025.

Umabot rin sa 3,600 na mga mag-aaral ng Old Balara Elementary School sa Quezon City ngayong Lunes ang naging benepisyaryo ng kick off ng programa na gagawin rin sa iba't-ibang paaralan sa bansa. Layunin ng programa na labanan ang kagutuman sa mga paaralan at tiyaking may sapat na nutrisyon ang bawat batang Pilipino upang mapabuti ang kanilang kalusugan at pagkatuto alinsunod na kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Dinaluhan ang aktibidad ng mga opisyal mula sa iba’t ibang sektor, kabilang sina Quezon City 3rd District Congressman Franz Pumaren, mga kinatawan mula sa DepEd, PPA, at iba pang stakeholder.

Kinatawan si PPA General Manager Jay Santiago sa naturang programa ni Human Resource Management and Development (HRMD) Manager Victoria Gorre, na naghatid ng kanyang opisyal na mensahe.

“Ang mandato ng PPA ay hindi lamang ang pagpapatakbo ng mga pantalan, kundi ang pagpapalago ng koneksyon at pag-unlad ng bawat Pilipino. Gaya ng mga pantalan na nagdurugtong sa mga pulo ng ating bansa, ang edukasyon at wastong nutrisyon naman ang nagdurugtong sa ating mga kabataan sa mas maliwanag na kinabukasan,” pahayag ni GM Santiago.

Dagdag pa niya, ang pakikibahagi ng PPA sa ganitong uri ng programa ay patunay na seryoso ang ahensya sa pagtupad ng responsibilidad nito sa bayan.

“Taos-puso kaming nakikiisa sa adhikaing ito na nagtataguyod ng kalusugan at edukasyon para sa kabataang Pilipino. Ang mga bata ang tunay na yaman ng ating bayan, at tungkulin nating suportahan ang kanilang kinabukasan sa anumang paraan na ating makakaya,” ani GM  Santiago.

Namahagi naman ang PPA ng mga Malasakit SOS Kit na naglalaman ng gamit pang-emergency bilang paghahanda sa the Big One na may laman ng mga kagamitan tulad ng mini flashlight at whistle para sa 3,600 na mga mag-aaral. Layunin nito na paigtingin ang kahandaan ng mga kabataan sa panahon ng sakuna o hindi inaasahang pangyayari, alinsunod sa adbokasiya ng PPA para sa kaligtasan at kahandaan ng bawat pamilyang Pilipino.

Ang naturang inisyatiba ay bahagi ng Corporate Social Responsibility (CSR) programs ng PPA na patuloy na nagbibigay-suporta hindi lamang sa sektor ng transportasyon at ekonomiya, kundi maging sa edukasyon, kalusugan, at kapakanan ng kabataan. Kabilang din dito ang aktibong partisipasyon ng PPA sa Brigada Eskwela, community outreach initiatives, at iba pang volunteer programs.

 

###