Tiniyak ng PPA ang kahandaan ng lahat ng mga pantalan sa bansa para sa inaasahang hagupit ng Bagyong ‘Opong.’
25 SEPTEMBER 2025 – Matapos ang pananalasa ng Bagyong ‘Miraso’l at ‘Nando’ partikular na sa North Luzon, naghahanda naman ngayon ang lahat ng Port Management Offices (PMOs) ng Philippine Ports Authority (PPA) sa inaasahang paghagupit ng Bagyong ‘Opong’ at sa inaasahang paglakas ng hanging Habagat na dulot nito ngayong Linggo.
Nakaantabay na rin ang mga kritikal na kagamitan at supply sa mga pantalan, kabilang na ang emergency power system, communication equipment, first aid kits, at pagkain at tubig pati na ang mga pagkain na mula sa ugnayan ng PPA at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mabilis na pamamahagi ng relief food packs kung kakailanganin.
Sa inilabas na direktiba ni PPA General Manager Jay Santiago, nakasaad ang regular na pag-uulat ng sitwasyon sa mga pantalan mula sa mga Port Management Office (PMO) oras-oras kabilang ang bilang ng mga kanseladong biyahe, stranded na pasahero, rolling cargoes at barko, kondisyon ng panahon at dagat, estado ng pantalan, at iba pang mahahalagang pangyayari.
“Tuwing may sama ng panahon, nakakasa na po lagi ang ating mga paghahanda partikular ang mga safety and precautionary measures para sa kaligtasan ng buhay, kagamitan, at pasilidad sa ating pantalan. Payo rin po sa ating mga pasahero na kung may sama ng panahon sa inyong lugar ay huwag na pong tumuloy sa pagpunta sa pantalan. I-check din po sa inyong mga shipping line kung tuloy ang biyahe,” ayon kay GM Santiago.
Mananatili rin na naka-high alert ang mga PMO at ipatupad ang lahat ng kinakailangang precautionary measures upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero, port workers, kargamento, at imprastraktura ng pantalan.
Activated na rin ang mga emergency response protocols alinsunod sa Disaster Risk Reduction and Management Manual ng ahensya kabilang ang pakikipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard (PCG), MARINA, mga lokal na Disaster Risk Reduction and Management offices, at iba pang kaukulang ahensya upang masiguro ang tamang pagbibigay ng abiso at pagtugon sa mga posibleng epekto ng sama ng panahon.
Bukas naman 24/7 ang social media account ng PPA para sa mga katungan ng mga pasahero at update sa mga pantalan nationwide.
###
