Naghatid ng ngiti at saya sa mga turista at iba pang pasahero ang pamamahagi ng tsokolate ng iba't ibang Port Management Office ng PPA, kabilang na ang PMO-Bohol.
14 PEBRERO 2025 — Isang masaya at makulay na pagdiriwang ang handog ng Philippine Ports Authority (PPA) sa mga empleyado, pasahero at mga estudyante ngayong Valentines Day, Pebrero 14, 2025, sa ilalim ng temang #You’reMySafeHarbour na idinaos sa iba't ibang Port Management Office (PMO) nationwide.
Kabilang sa mga nakatanggap ng "Panta-love" mula sa PPA ay ang Manila Science High School (MaSci), kung saan nasa 500 mga mag-aaral ang makikinabang sa mga ibinahaging kagamitan ng ahensya ngayong Valentines Day gaya ng computer, printer, scanner, office tables at chairs, filing cabinets, at iba pang kagamitan na magpapahusay sa kanilang pag-aaral.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, “Tayo po ay tumugon sa panawagan ng Manila Science High school ng karagdagang kagamitan sa kanilang paaralan, maaaring simpleng donasyon lamang po ito mula sa PPA, ngunit siguradong makakatulong ito sa pagpapa-unlad pa ng kaalaman ng mga mag-aaral ng Manila Science High School. Mahalaga po para sa PPA ang masuportahan ang ating mga mag-aaral partikular ang nasa larangan ng science and technology, na mahalaga sa paghubog ng mga future leader sa industriyang ito.”
Personal na dinala ng mga opisyal ng unyon ng mga empleyado ng PPA na Pambansang Tinig at Lakas sa Pantalan, ang mga nasabing kagamitan sa MaSci nitong ika-14 ng Pebrero, 2025 upang ipaabot sa mga estudyante ang malasakit at pagmamahal ng ahensya.
Samantala, iba't ibang PMO sa buong bansa ang nakiisa rin sa selebrasyon ng Valentine’s Day sa pamamagitan ng mga natatanging aktibidad. Sa PMO Surigao, Agusan, Negros Oriental/Siquijor, at Zamboanga, may handog na harana para sa mga pasahero, pati na ang pamimigay ng tsokolate.
Namigay din ang PMO NCR-North ng bulaklak at mamon sa mga port user habang mayroong choir na humaharana sa mga nag aantay ng byahe. Ang PMO Misamis Oriental/Cagayan naman ay nagsagawa ng ‘Harbour of Love Choco Trivia Challenge’ kasabay ng paglalagay ng mga love notes para sa hugot ng mga pasahero.
Ang PMO Negros Occidental / Bacolod / Banago Bredco bukod sa love notes ay mayroon ding singing contest, photobooth, at pamamahagi ng candies sa mga pasahero.
Namahagi naman ang PMO Zamboanga del Norte ng tsokolate para sa mga pasahero at ‘Voice and the Noise Biritan’ activity naman para sa mga personnel nito. Mayroon ding photobooth at tsokolate ang PMO Bicol para sa mga pasahero, kasabay ng pakikilahok ng mga personnel nito sa tree planting activity.
Sa PMO Masbate naman, bukod sa tsokolate para sa mga pasahero, mayroon ding dedication booth kung saan maaaring mag-request ang mga pasahero ng kanilang paboritong love song. Mayroon namang photobooth ang PMO Davao at ang PMO Bataan na nagbigay din ng libreng legal consultation.
Ang PMO Northern Luzon naman, mayroong zumba at cleanup drive sa port access road na simbolo ng pagmamahal sa kalusugan at kalikasan, habang ang PMO Marinduque/Quezon ay mayroong life insurance seminar para sa mga empleyado. Samantala, ang PMO NCR-South ay namigay ng bulaklak sa mga port users nito at magkakaroon ng bloodletting activity sa ika-26 ng Pebrero 2025 bilang kolaborasyon sa National Children Hospital.
Sa pinagsama-samang pagtutulungan ng mga kawani at mga stakeholders ng PPA, damang-dama ang "Panta-Love" ngayong Valentines Day sa pamamagitan ng serbisyong puno ng malasakit at pagmamahal.
###