PPA: AGAHAN ANG PAGPAPADALA NG BALIKBAYAN BOX SA PASKO AT BAGONG TAON

12 DECEMBER 2024 — Nagbigay ng paalala si Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago sa mga nagpaplano na magpadala ng balikbayan box ngayong Kapaskuhan, na magpadala na nang mas maaga upang matiyak ang agarang pagdating ng mga ito sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas. Pinag-ingat din ng opisyal ang publiko sa mga mapagsamantala na nang-iiscam ng pera para sa kanilang padala.

Ayon kay GM Santiago, dahil sa inaasahang mataas na volume ng cargo ngayong holiday season, mahalaga aniyang maghanda at magpadala ng mga balikbayan box nang mas maaga, upang maiwasan ang anumang abala.

“On a regular days it takes about 45 days bago makarating sa bansa, ngayong Christmas season due to rush, mas matatagalan po ‘yan mga Pebrero na po nila makukuha ‘yan,” pahayag ni GM Santiago. Dagdag pa niya, “‘Yun pong balikbayan boxes, talagang wala pong kinalaman doon kasi we handle containers and cargo so we don’t handle particular na mga balikbayan box. ‘Yun pong mga kababayan natin na halimbawa nag-import o nagpadala dito ng balikbayan box, pinapayuhan po natin na makipag-ugnayan sa mga lehitimong freight forwarders o mga nagpo-provide ng door to door cargo handling service.”

Paliwanag pa ni GM Santiago, “Ang nagpa-process po ng balikbayan box ay Bureau of Customs sila ang nagi-inspect at nagki-clear niyan so makipag-coordinate lang sila kung meron silang concerns, sa mga inengage nilang door-to-door o straightforwarders para malinawan po sila.”

Pinayuhan din ng PPA ang publiko na tiyakin na ang kanilang mga balikbayan box ay maayos na nakabalot at walang mga ipinagbabawal na gamit, upang hindi magka-problema sa customs inspection at maiwasan ang pagkakaroon ng delay. Ayon kay GM Santiago, “Alam naman po nila kung ano po ‘yung mga pwedeng ipadala at ano ang hindi pwedeng ipadala. Huwag na po nilang ipilit na isama sa mga balikbayan boxes dahil 110% na kapag ‘yan ay ma-inspect ay siguradong bubuksan po nila at baka hindi na po nila makuha ‘yung mga padala nila.”

Kasabay nito, nagbabala rin si GM Santiago na huwag maniwala sa mga matatanggap na text o tawag na nagsasaad na kailangang may bayaran kapalit ng mabilis na paglabas ng kargamento.

“Unang-una po makipag-transact lang po sila sa mga lehitimong freight forwarders o mga nagpo-provide ng door to door cargo handling service. Hindi po totoo na kapag hindi nagbigay ng suhol ay ‘yung barko ay paaalisin uli, hindi po totoo ‘yun,” pagbibigay-diin ni GM Santiago.

###