29 OKTUBRE 2024 — Nagpatupad na ang Philippine Ports Authority (PPA) ng full manpower bilang paghahanda sa inaasahang dagsa ng mga pasahero kasabay ng paggunita ng Undas 2024 kung saan tinatayang aabot sa 1,621,529 na mga pasahero ang uuwi sa kani-kanilang mga probinsya, mas mataas ng limang porsyento kumpara sa naitalang bilang ng mga pasahero noong nakaraang taon na umabot sa 1,544,313.
Sa direktiba ni PPA General Manager Jay Santiago, inatasan ang lahat ng mga department head na siguruhing sapat ang mga personnel mula sa port operations hanggang sa port security na responsable sa pangunahing serbisyo sa publiko ito ay sa kabila ng inilabas na memorandum ang Office of the President hinggil sa suspensyon ng pasok sa mga opisina ng pamahalaan mula alas-12:00 ng tanghali sa Oktubre 31, 2024.
“Mahalaga ito para masiguro na naibibigay ang buong serbisyo sa mga mananakay at iba mga port user ngayong Undas at long weekend. Kasabay ng pag-obserba sa All Saint’s Day at All Souls’ Day ay nasusuportahan din natin ang domestic tourism at natitiyak ang kanilang seguridad at maginhawa sila sa ating mga pantalan,” saad ni GM Santiago.
Bukod dito, lahat ng mga nai-file na leave ng mga kawani ng ahensya mula Oktubre 23, 2024 para sa Oktubre 25 hanggang Nobyembre 4, 2024 ay hindi pinahintulutan upang masiguro ang kaligtasan, seguridad, at maginhawang biyahe ng publiko.
Noong Undas 2023, nanguna ang Port Management Office (PMO) ng Panay/Guimaras sa mga pantalan na may pinakamataas na passenger traffic na umabot sa 146,781. Sinundan ito ng PMO Batangas na may 146,710, PMO Mindoro (143,904), PMO Negros Orr/Siquijor (129,880), at PMO Bohol (127,332).
Samantala, kasunod ng pananalasa ng Severe Tropical Storm Kristine umabot sa P110,762,002 milyong piso ang nasira sa mga pantalan sa buong bansa dahil sa bagyo. Paliwanag ni GM Santiago, wala namang major damage sa mga pantalan na balik operasyon na dahil sa pagpapatuloy ng mga biyaher ng barko.
Bilang pakikiisa ng PPA sa pamahalaan na layuning mabilis na makabangon ang mga lugar na malubhang nasalanta ng kalamidad, ipinag-utos na ni GM Santiago sa lahat ng mga port manager sa buong bansa ang pagbibigay ng prayoridad sa mga relief operations partikulr ag power restoration teams at government delivery trucks. Sa pinakahuling tala ng PPA nitong Linggo, umabot na sa 13 sasakyan at 223 na mga personnel mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang nabigyan ng prayoridad sa PMO Bicol na kabilang sa nakaranas ng matinding epekto ng bagyo.
Nitong Linggo, dumating sa Pasacao Port ang BRP Cabra na isang parola-class patrol vessel ng Philippine Coast Guard (PCG) para magdala ng mga relief goods sa mga nasalanta ng bagyo sa Naga City, Camarines Sur. Nagsanib-pwersa ang mga kawani ng PPA, Daruanak Port Services Corp., PCG, PNP-Maritime/Tourist Police, at mga opisyal ng barangay para sa mabilis na pagdidiskarga ng mga kagamitan na ipamimigay sa mga apektado ng nagdaang bagyo.
Para naman sa mga pasahero na sasakay sa Batangas Port, mgbubukas ng bagong entrada para sa mga pasahero upang mas maging madali ang kanilang pagpasok sa loob ng pantalan at maiwasasn ang mga scalper o fixer at mga nagbebenta ng travel insurance.
Paalala ni GM Santiago, “Ang pakiusap lang po natin sa mga kababayan nating bibiyahe sa Batangas, unang-una po ang travel insurance ay hindi po required 'yan. Sila po ay insured na kapag sila po ay bumili ng ticket sa mga barko. Mayroon din po diyan bigla na lamang nanghahablot ng gamit at magiging kargador kunwari. Mag-iingat po sila doon. Gagawan po natin ng paraan 'yan sa mga darating na araw para maging mas ligtas po ang accessibility sa terminal natin.”
###