25 OKTUBRE 2024 — Bilang tugon sa epekto at pinsala na dulot ng pananalasa ng Tropical Storm Kristine, inatasan ng pamunuan ng Philippine Ports Authority (PPA) sa lahat ng mga port manager sa buong bansa na tiyaking mabigyan ng prayoridad ang power restoration team at lahat ng mga government delivery truck na papasok at lalabas ng mga pantalan.
Sa direktiba ni PPA General Manager Jay Santiago, inaatasan ang lahat ng mga Port Management Office (PMO) sa buong bansa na bigyang prayoridad ang mabilis na pagpasok sa pantalan at pagsakay sa mga barko ng power restoration teams, kabilang na ang mga linemen at boom trucks. Ito ay bilang suporta sa layunin ng pamahalaan na agad na maibalik ang supply ng kuryente sa mga apektadong lugar.
Bukod dito, pinatitiyak din ni GM Santiago na walang mangyayaring delay at magiging mabilis ang pagproseso sa pagsasakay ng mga government delivery truck sa mga barko para maihatid ang mga kinakailangang supply sa mga lubos na nangangailangan ngayong mayroong kalamidad. Kasabay din nito ang paglalaan ng tatlong truck space sa mga commercial vessel na maglalayag mula sa Matnog Port patungo sa Allen Port at vice cersa.
“Importante po ito para masiguro na efficient ang movement ng lahat ng mahahalagang supply na kailangang-kailangan ng mga kababayan nating naapektuhan ng bagyong Kristine at maging mas mabilis po ang pagbangon sa kalamidad na ito at makapaghanda pa sa susunod na sama na panahon,” ani GM Santiago.
Inatasan din ang lahat ng mga port manager na magbigay ng direktiba sa mga pribadong pantalan na nasa ilalim ng hurisdiksyon nito na maipatupad ang mga kaparehong hakbang. Ipatutupad ang mahigpit na monitoring sa pagsunod dito upang matiyak na walang lalabag.
“Kung mapapatunayan na hindi sumunod ang private port, magreresulta ito sa administrative sanctions alinsunod sa kanilang Certificates of Registration at Permit to Operate,” paliwanag ni GM Santiago.
Samantala, nagpasalamat si GM Santiago sa lahat ng mga empleyado ng PPA partikular sa Bicol at Batangas, na nagsakripisyo para makapaghatid ng serbisyo kahit apektado rin ng matinding buhos ng ulan at baha na dala ng bagyong Kristine.
“Nagpasalamat ako sa mga kasama natin sa PPA lalo sa Bicol at Batangas area. Ang ilang mga kasama natin sa PPA apektado rin ang pamilya, ‘yung iba sinama na ang pamilya sa terminal natin. Kahit ganito, tuloy-tuloy po ang ating serbisyo,” sabi pa ni GM Santiago.
Batay sa datos ng PPA nitong alas-6:00 ng umaga Oktubre 25, 2024 ay maryoon pang 7,520 na mga pasahero ang stranded sa iba’t ibang mga pantalan. Pinakamarami sa Bicol na mayroong 3,312 stranded passengers, Eastern Leyte/Samar na may 2,867, at Panay/Guimaras na 302.
Upang matulungan ang mga pasahero na apektado ng kanselasyon ng mga biyahe ng barko, nagpapatuloy ang PPA sa pagbibigay ng libreng pagkain gaya ng lugaw at iba pang relief food pack katuwang ang local government unit (LGU) at Department of Soacial Welfare and Development (DSWD).
“Panawagan na lang po namin sa LGU at DSWD na baka po pwede ay makapagpadala ng gamot sa ubo at sipon dahil ang ilan po sa ating mga kababayan na naghihintay na maibalik sa normal ang biyahe ay nakaka-experience na po ng ganitong insidente,” saad ni GM Santiago.
Bukod sa libreng pagkain, mayroong libreng water refilling stations, charging stations, at nakaantabay na mga PPA personnel sa mga Passenger Help Desk, para makapagbigay ng agarang tulong sa mga nangangailangang pasahero.
Muli namang nagpaalala ang PPA sa mga pasahero o planong bumiyahe na tiyakin sa mga shipping line kung tuloy na ang kanilang biyahe o nananatili itong kanselado ang kanilang biyahe. ###