PPA pinalalakas ang security measures at koordinasyon sa mga ahensya para matiyak ang ligtas na operasyon ng mga pantalan.
17 SETYEMBRE 2026 — Tiniyak ng Philippine Ports Authority (PPA) na patuloy at mahigpit ang pagpapatupad ng multi-layered na security protocol sa lahat ng pantalan na pinamamahalaan nito sa buong bansa, bilang bahagi ng patuloy nitong pagtupad sa mandato na tiyakin ang ligtas at maayos na operasyon ng mga pantalan para sa mga pasahero, cargo owners, at iba pang port stakeholders.
Kabilang sa mga regular na ipinapatupad na hakbang-pangkaligtasan ang:
-
Mahigpit na access control at ID verification sa lahat ng pumapasok na tao, sasakyan, at kargamento.
-
Masusing inspeksyon at security screening sa cargo bago ito payagang pumasok o lumabas ng pantalan.
-
24/7 na CCTV monitoring at patrolya ng Port Police Department sa buong port premises.
-
Malapit na koordinasyon sa Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), at iba pang concerned agencies para sa fast-response protocol.
Lalo pang pinaiigting ang mga hakbang na ito tuwing inaasahang tataas ang volume ng mga pasahero at port users, gaya ng mga peak travel period at holiday season. Kabilang dito ang mas mataas na antas ng monitoring sa mga passenger areas at access points, gayundin ang mas pinaigting na pagbabantay sa galaw ng mga tao, sasakyan, at kargamento sa loob ng mga pantalan.
Bahagi rin ng mahigpit na security screening ang pag-verify sa mga kinakailangang dokumento at clearance para sa regulated at controlled cargo bago ito pahintulutang maiproseso at maipagpatuloy ang paggalaw. Isinasagawa ito ng PPA sa koordinasyon sa mga concerned authorities upang matiyak na nasusunod ang mga umiiral na requirements at procedures.
Makikita ang kahalagahan ng naturang proseso sa mga insidenteng natutukoy sa mga pantalan, kabilang ang kamakailang pagkakaantala sa paggalaw ng humigit-kumulang 13 toneladang regulated cargo habang isinasagawa ang kaukulang verification at coordination sa mga concerned authorities.
Alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon ng Firearms and Explosives Office (FEO) ng PNP, kinakailangan ang naaangkop na permit at clearance bago pahintulutan ang paglipat o transport ng mga naturang materyales sa pamamagitan ng mga pantalan. Bahagi ng standard operating procedure ng PPA ang pag-verify sa mga dokumentong ito sa pakikipag-ugnayan sa PCG at PNP bago ipagpatuloy ang paggalaw ng nasabing kargamento.
"Patuloy naming pinaiigting ang ating security measures hindi lamang sa panahon ng peak travel season kundi bilang bahagi ng ating regular na operasyon. Kasabay nito, pinalalakas natin ang koordinasyon sa ating mga partner agencies upang mabilis na matukoy at matugunan ang anumang security concern sa ating mga pantalan," ani PPA General Manager Jay Santiago.
Sa patuloy na paghihigpit ng security measures, tiniyak ng PPA na mananatiling ligtas at maayos ang mga pantalan para sa mga pasahero at iba pang port users.
###
