TOP-CRMS, layong ibaba ang presyo at hindi dagdagan pa ang mga bayarin sa port operations

23 ENERO 2023, MAYNILA —Nilinaw ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago na hindi layon ng Trusted Operator Program - Container Registry and Monitoring System (TOP-CRMS) na dagdagan pa ang taas ng presyo ng mga bilihin sa merkado, sa halip ito nga aniya ang tutugon sa mga unregulated charges sa logistics cost tulad ng container deposit na ipinapataw ng mga foreign shipping lines.

Ayon kay GM Jay Santiago, hindi lalampas sa 5% ng buong logistics cost ng mga produkto ang port charges at hindi gaya ng inirereklamo ng mga truckers na dumalo na rin sa mga public consultation na ginawa ng PPA kaugnay ng TOP-CRMS.

“Yun pong container deposit na nais po naming tanggalin sa sistema po ngayon, yan po yung mga ipinapataw na singil ng mga shipping line sa mga kababayan nating importers na nag re-range po mula Php 10,000-30,000 at umaabot po hanggang Php 180,000 po sa refrigerated container, ito pong sa pinoprosoe nating sistema bababa po yan sa Php 980 nalang so hindi ko po alam san sila nanggagaling sa sinasabi nilang dagdag gastos,” ani Santiago.

Wala pa rin aniyang pinal na bersyon ang TOP-CRMS dahil nasa kalagitnaan pa ito ng proseso ng evaluation ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) para masigurong hindi ito magdudulot ng dagdag na proseso para sa ating mga kababayan. Taliwas ito sa sinasabing pagdodoble ng proseso at dagdag na paperworks na inirereklamo ng ilang mga truckers.

“Ang Bureau of Customs po ay buo ang suporta sa TOP-CRMS na ito na nandyan po sa Administrative Order na kinukwestyon nila. Ang BOC po may sarili pong mandato yan laban sa smuggling at yung pagpapataw po ng tamang buwis sa mga kargamento, ang amin po namang mandato sa PPA ay i-manage po yung trapiko ng mga kargamento at container sa loob ng mga pantalan, hindi po namin saklaw yung laman ng kargamento,” dagdag ni Santiago.

Mas mapapabilis pa umano ang proseso dahil digital na ang proseso alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na digitalization sa mga transaksyon ng gobyerno.

“Ang gagawin lang po ng mga driver nila ay pipindot lang po ng boton so wala pong dagdag na paperworks na gagamitin po dito. Magtiwala po sila sa gobyerno,” dagdag ni Santiago.

Ang nasabing PPA AO 04-2021 ay nai-adjust na base sa mga pagbabago na naisagawa sa mga nakalipas na public consultation para matugunan ang mga hinaing ng mga truckers at stakeholders.

Sa ilalim ng TOP-CRMS, tanging container deposit insurance at monitoring fee na nagkakahalaga ng PHP 980 ang dapat bayaran ng mga importers kumpara sa halos PHP30,000 container deposit sa nakagawiang sistema. Ang PHP 3,408 na empty container handling service fee ay kasalukuyang binabayaran na ngayon ng mga port users sa mga empty container yard facilities na mas mababa pa kumpara sa kanilang binabayaran sa kasalukuyan. Sa kasalukuyang sitwasyon ng mga shipping lines, maliban sa empty container handling service fee ay marami pang singil ang pinapataw ng mga shipping lines tulad ng pre-advise fee at detention charges bukod sa iba pang bayarin.

###