PPA SUPORTADO ANG RESPONSABLE AT MALAYANG PAMAMAHAYAG NG MEDIA SA BANSA

19 SETYEMBRE 2023, MAYNILA — Nakiisa ang Philippine Ports Authority (PPA) sa layunin ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa ilalim ng Office of the President na isulong ang malaya at ligtas na pamamahayag sa bansa sa ginanap na NCR leg ng Nationwide Media Summit 2023, noong 19 ng Setyembre 2023 sa Bayview Hotel sa Maynila.

Sa pangunguna ni PTFoMs Executive Director Paul Gutierrez kasama sina Public Attorney's Office (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta, Presidential Communications Office Assistant Secretary for Special Concerns and International Media Michel Andre Del Rosario, nagkaroon ng malalim na pagtalakas sa mga karapatan ng media sa ilalim ng batas at sa mga hakbang ng pamahalaan para maprotektahan ang kalayaan sa pamamahayag.

"Mayroon kasing mga nasasagasaan sa ating mga kasama sa media na talaga namang may impluwensiya, may kapangyarihan, may kayamanan, at ang kanilang nagiging result ay ikli ng buhay ng ating mga kasama. Kung may sama ng loob sa ating mga kapatid sa media, daanin po sa legal na pamamaraan at hindi sa pamamagitan ng armas o dahas," Ani Acosta.

"Bigyan natin ng pagkakataon ang rule of law and justice. Daanin sa proseso. At kaugnay nito, kailangan po ang mga pag-aaral po ng ating mga kasama sa media ng batas upang maiwasan ang galit at bangis ng mga nasasagasaan," Dagdag ni Acosta.

Inimbitahan din sa nasabing event ang mga ilang batikang media practitioners, abogado, at legal experts na sina The Manila Times Chairperson and CEO Dante Francis Ang, PAO Public Attorney III Ramon Antonio Sabinorio, International Humanitarian Law Expert Attorney Evecar Cruz-Ferrer, at Gender and Development (GAD) expert Alvin Cloyd Dakis na kung saan tinalakay ang mga usapin ukol sa Basic Ethical Guidelines for Media Practitioners and Effects of Irresponsible Journalism, Libel at Cyber Libel, Responsible Journalism in Times of War and Threats na may kaugnayan sa Humanitarian Law, at ang wastong paggamit ng Gender Fair Language sa pagsusulat at pagbabalita ng media sa bansa.

Lumagda naman ang Philipppine Ports Authority (PPA) sa commitment wall ng programa para tiyakin ang ligtas at balanseng pagbibigay impormasyon sa publiko.

"Sa parte po ng Philippine Ports Authority, tayo po ay nakikiisa sa layunin ng Office of the President na gawing kabahagi ang media tungo sa bansang may malayang palitan ng impormasyon mula sa gobyerno at sa publiko. Isa po sa layunin ni PPA General manager Jay Santiago na panatilihing updated ang mga pasahero at lahat ng gumagamit ng pantalan kaya naman mapapanood rin po ang lahat ng anunsyo ng PPA at ng ibang ahensya ng gobyerno sa mga PPA TV monitors nationwide. Bahagi po ito ng inisyatiba ng PPA GM na gawing informed ang mga tao sa mga kaganapan sa loob at labas ng pantalan,” ani PPA Spokesperson Eunice Samonte.

Sa pagtutulungan ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), Public Attorney's Office, at PUNO Law Office, nagkaroon din ng libreng legal aid clinic para sa lahat ng mga mamamahayag na dumalo sa nasabing pagpupulong.

Ayon kay PTFoMS Executive Director, Undersecretary Paul Gutierrez, isa lamang ang NCR leg ng Media Summit sa napakarami pang planong organisahin ng grupo sa susunod pa na buwan. Nakatakdang magpatuloy ang nasabing event sa Davao Region at Tagaytay City bilang kanilang Southern Luzon Leg at Subic naman para sa kanilang Central Luzon Leg.

###