PPA NAKATAKDA PANG MAGBUKAS NG MGA KARAGDAGANG PANTALAN AT TERMINAL BAGO MAGTAPOS ANG TAON

30 APRIL 2024, MANILA — Kasabay ng pagbubukas ng bago at mas pinalaking passenger terminal ng Batangas Port nitong nakaraang linggo (Abril 26, 2024), na pinangunahan mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inanunsyo ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago ang mga karagdagang proyektong dapat pang abangan sa PPA.

Ayon kay GM Santiago, bukod sa inaasahang 300,000 tourists arrival mula sa mga cruise ships na dadaong ngayong taon, kasado na rin umano ang mga cruise-dedicated passenger terminal na bubuksan ng PPA bago magtapos ang taon gaya ng Siargao Port at Coron cruise terminal sa Palawan sa mga susunod na taon.

"Other than mga ports na iniimprove natin, nag coconstruct na tayo ngayon ng mga dedicated cruise terminals no, mga identified natin at ongoing na cruise dedicated terminals, like sa Siargao hopefully by the third quarter operational na ang Siargao cruise terminal natin, sa Coron, Palawan may cruise terminal rin, nandyan ‘yung sa Currimao Ilocos Norte, nandyan ‘yung Salomague ports sa Ilocos Sur and we’ve also constructed cruise dedicated terminal natin sa Buruanga, Aklan and marami pa tayong locations na sisimulan for cruise destination dagdag mo na dyan ‘yung sa Camiguin na naka-line up," dagdag ni GM Santiago.

Bukod sa mga cruise dedicated terminals, tuloy-tuloy rin ang konstruksyon ng PPA ng mga bagong passenger terminal building sa bansa kabilang ang pagpapalawak ng terminal sa Zamboanga na inaasahan ring bubuksan ngayong taon.

"PPA still has a lot of surprises sa ating mga kababayan you will see new terminals opening at ang disenyo ng terminal natin will reflect kung ano yung local culture kung ano ‘yung local taste kung maaalala niyo sa Calapan, Mindoro ang tema noon nagbibigay-pugay sa kultura natin na Mangyan. Dito naman sa Batangas, bago matapos ang taon may iinagurahan na natin yung ptb sa Zamboanga City at magre-reflect naman ‘yun ng local flavor sa Zamboanga," saad ni GM Santiago.

Sa katatapos lamang na inagurasyon ng Batangas Port, matatandaang nabigyang pagkilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga modernong pasilidad para sa kaginhawaan ng byahe ng mga pasahero.

"Tiyak ako na hindi lang maginhawang paglalakbay ang hatid nito pero mas maraming manlalakbay ang mahihikayat bumiyahe dahil sa modernong pasilidad. For this, we have to commend the Philippine Ports Authority and the Department of Transportation for accomplishing together this important project and delivering what we have promised to the people," mula sa pahayag ng Pangulo.

Kumpyansa naman ang PPA na kasabay ng pagpapalawak ng mga pantalan ay ang karagdagang oportunidad para sa mga Pilipinong gumagamit at nakapaligid sa pantalan.

"Dahil lumaki ang passenger terminal natin mas lumaki ang kakayahan na mag aacept ng passengers, were looking at about 300% increase sa revenue, number 2 nakkita natin na sa local economy may mga food kiosks dyan, mas maraming services dyan mag ccoontribute yan sa local employment ng community," ani GM Santiago.

Samantala, nagkaroon na rin ng inisyal na pag-uusap ang PPA at ang MARINA para sa karagdagang barko sa mga pantalan dahil sa dami ng mga pasaherong gumagamit ng pantalan.

###