PPA NAGLAGAY NG MGA PANAWAGAN SA PANTALAN KONTRA FIXER

5 HUNYO 2024, MANILA — ‘Huwag maglagay para maunang sumakay.’ Ito ang paalala ng pamunuan ng Philippine Ports Authority (PPA) sa mga pasahero at motorista na papasok sa mga pantalan na nasa ilalim ng pamamahala ng ahensya. 

Kasunod ito ng lumabas na ulat kaugnay sa diumano’y fixer sa Lucena Port na target ang mga pasahero na gustong mauna ang kanilang sasakyan sa pagpasok sa barko kapalit ang dagdag na singil na P1,000 kada sasakyan para sa umano’y ‘priority boarding’. 

Kaugnay nito, inatasan ni PPA General Manager Jay Santiago ang mga port manager sa iba’t ibang Port Management Offices (PMOs) sa buong bansa na magsagawa ng mga hakbang para malabanan ang ganitong mapagsamantalang aktibidad na nagdadagdag sa pasakit ng mga pasahero.

Gaya na lamang ng mga karatula sa PMO Marinduque-Quezon, na nagsasaad ng paalala sa publiko na ‘umiwas sa fixer at mandurugas’.  

“Maayos po ang sistema natin sa mga pantalan, mayroon po tayong gumaganang proseso sa pagpapasok ng mga pasahero at sa pagsasaayos ng mga pasilidad na maaaring gamitin ng publiko, wala pong maitutulong ang pagpapa-uto sa mga fixer dahil bukod sa triple po ang pinababayad nila sa inyo, ay hindi rin po ito makakatulong sa inyong byahe dahil ito po ay panloloko sa mga pasahero,” saad ni GM Santiago. 

Nagsagawa na rin ng imbestigasyon ang PPA kaugnay sa nasabing ulat ng umano’y aktibidad ng mga fixer sa pantalan. Lumabas sa isinagawang pagsisiyasat na walang katotohanan ang ulat. Sa kabila nito, patuloy pa rin ang ahensya sa pamumuno ni GM Santiago, na magpatupad ng mga hakbang para mapigilan ang anumang uri ng panloloko o maling aktibidad sa mga pantalan sa buong bansa. 

Kabilang sa mga tanggapan ng PPA na agad na umaksyon sa direktiba na labanan ang mga fixer sa pantalan ay ang PMO Marinduque/Quezon. Ayon kay Port Manager Aurora Mendoza, walang ganitong iligal na gawain sa mga pantalang sakop ng kanilang PMO kabilang ang Port of Lucena at Port of Balanacan.

“Kapag nakapila ka kasi sa marshaling area, hindi ka pwedeng umalis kasi makikita ka ng ibang nakapila kaya imposible na makauna ka sa kanila kasi iisa lang ang dadaanan,” ani PM Mendoza. Paalala pa niya, “Hindi kailangan na maglagay para makasakay. Basta nakapila ka kayang maisakay ang inyong sasakyan.”

Paalala pa ng PPA sa publiko, huwag tangkilikin ang anumang alok na serbisyo mula sa hindi awtorisadong tao o grupo upang hindi maging biktima ng modus. Kung may makikita umanong ganitong gawain, agad na iulat sa port police o awtoridad na nasa pantalan.

###