PPA KAISA SA BRIGADA ESKWELA, MGA UMUUWING PASAHERO, NADAGDAGAN BAGO MAGSIMULA ANG KLASE

22 AGOSTO 2023, MANILA —Nakapagtala ang Philippine Ports Authority (PPA) ngayong August 22, 2023 ng bahagyang pagdami ng mga pasahero sa mga pantalan ngayong balik-eskwela na ang ilan sa mga estudyante at bunsod na rin ng katatapos lang na long weekend nitong August 21, 2023.

Base sa datos ng PPA, mula Aug.18 hanggang Aug. 22,2023, naitala ang 123,978 na mga pasahero, kung saan pinakamarami nitong Aug. 21 na pumalo sa humigit kumulang 32,000 na pasahero. Kabilang sa mga pinaka-abala at maraming pasahero ay ang PMO Negros Oriental/Siquijor, Batangas, Mindoro, Bicol, at Zamboanga.

Sa Port of Lucena patungo sa probinsya ng Marinduque at Romblon, naitala rin ang pagdami ng mga pasahero at pila ng mga sasakyan sa marshaling area ng Port of Lucena.

Tuloy-tuloy rin ang byahe ng mga pasahero sa PMO NCR North na bagamat maraming pasahero ay wala namang naitalang kanseladong byahe ng mga barko. Naitala ang pinakamaraming bilang ng mga pasahero sa PMO NCR North nitong Aug.18,2023 na pumalo sa humigit kumulang 3,000 na pasahero nitong nakaraang Biyernes.

Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, bago pa man ang dagsa ng mga pasahero ay maagang nakapaghanda ang mga kawani ng PPA para rito. “Actually may template po tayo dyan na sinusunod ito po yung Oplan Biyaheng Ayos, kung saan naka-heightened alert po ang mga empleyado natin partikular na sa mga passenger terminals natin kasama po dyan ang Port Police, katuwang ang PCG at Marina, at maging ang atin pong mga empleyado na nakaposisyon sa Malasakit Help Desk”, ani Santiago.

Bukod sa libreng charging station, maayos na palikuran, at water refilling station, mayroon na ring mga stalls sa ilang mga pantalan kung saan maaring bumili ang mga pasahero ng kanilang pagkain habang nag-aantay ng biyahe.

Mayroon ring medical personnel sa mga clinic sa pantalan, playroom para sa mga kasamang batang nag-aantay, at mayroon na ring prayer room ang ilan sa mga bagong passenger terminal ng PPA.

“Halimbawa po sa Batangas Port at Calapan Port, isa sa mga pinakalamalaking passenger terminal natin, aircon po dyan at we can assure na komportable po ang mga pasahero natin dahil mas pinalaki na po yan at mayroon rin pong mga mabibilhan na anuman ang kailangan nila sa byahe. Kaya tuloy-tuloy rin po tayo sa pagpapalawak at pagpapalaki ng mga passenger terminal natin ay para magamit ng maayos sa mga ganitong pagkakataon”, dagdag pa ni Santiago.

Bago ang pagbabalik sa paaralan ng mga estudyante, kabilang rin sa mga naging paghahanda ng PPA ay ang paglahok sa Brigada Eskwela “Bayanihan Para sa Matatag na Paaralan” ng PMO Lanao Del Norte at Iligan, PMO Agusan, PMO Palawan, PMO Western Leyte/ Biliran, at PMO Mindoro na namahagi rin ng school supplies sa mahigit 400 estudyante bilang bahagi ng kanilang outreach program.

###