PPA, HANDANG-HANDA NA NGAYONG SEMANA SANTA 2023

05 ABRIL 2023, BATANGAS  — Nagsagawa ng inspeksyon si Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago sa Port of Batangas – ang naitalang may pinaka maraming pasaherong dumaan noong Semana Santa 2022 – ngayong araw, ika-5 ng Abril 2023 upang masiguro ang maayos na operasyon ng nasabing terminal sa huling araw bago ang holy week holidays ngayong taon.

Ayon kay GM Santigao, bukod sa paghahanda para sa Semana Santa ay bahagi rin ng aktibidad ang patuloy na inisyatibo ng PPA na pagbutihin ang serbisyo at pasilidad nito ngayong peak season kung saan maraming pasahero at turista ang dumadagsa sa mga pantalan.

“Kasabay ng paghahanda sa dagsa ng regular na pasaherong nagsisiuwi sa kani-kanilang mga probinsiya ngayong Semana Santa ay sinisiguro rin nating nakatugon ang ating serbisyo at mga pasilidad sa mga turista partikular ngayong Summer season kaya mabuting nakikita natin ang siteasyon sa mga pantalan kapag ganitong panahon,” ani Santiago.

Sa tala ng PPA, ay nasa mahigit 131k ang pasaherong dumaan sa pantalan ng Batangas mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng Pagkabuhay noong 2022 at inaahasang papalo ito sa halos 190k ngayong taon sa kaparehong mga araw.

Kabilang naman sa mga biyaheng pampasahero sa Batangas Port ay patungong Calapan, Roxas, Abra de Ilog at  Puerto Gallera sa Mindoro, Odiongan, Romblon at Caticlan.

“Ang inspeksyong ito ay una lamang sa mga inspeksyon pang gagawin natin sa mga susunod na araw upang matiyak na may sapat na kawani at naayong serbisyo sa mga pantalan. Makakaasa po ang publiko na laging may tao ang PPA na handang tumulong sa kanila dahil kasalukuyan pong epektibo ang “No leave policy” sa buong bansa”, dagdag ni Santiago.

Aktibo rin ang mga Malasakit Helpdesk sa lahat ng pantalan ng PPA na nakahandang magbigay tulong 24/7 sa mga pasaherong may partikular na pangangailangan sa kanilang biyaheng pandagat.

Matatandaang nagbukas ng tatlong (3) pasilidad para sa mga pasahero ang PPA nitong nakaraang buwan kabilang na ang Port Operations Building (POBs) sa Masbate Port at Coron Port at ang pinakamalaking Passenger Terminal Building (PTB) sa buong bansa na matatagpuan sa Calapan Port bilang paghahanda sa inaasahang dagsa ng mga pasahero ngayong Semana Santa at nakapailalim na inisyatibong #TatloSaMarso.

Bilang ahensyang nakakasaklaw sa mga pangunahing pantalan sa bansa ay sinisiguro ng PPA na nakasasabay ang ahensiya at ang mga pasildad nito sa modernisasyon at patuloy na pag-unlad ng maritime industry sa Pilipinas at maging sa buong mundo sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga polisiyang makapagpapaangat sa antas ng serbisyong pampantalan nito saan mang panig ng bansa.

###