PORT OF JOSE PANGANIBAN SA CAMARINES NORTE, INAASAHANG MAGBUBUKAS NG EXPORT CARGO OPERATIONS SA BICOL REGION

19 HUNYO 2024, MANILA — Opisyal nang binuksan sa publiko ang Jose Panganiban Port Improvement Project sa pangunguna ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago kasama ang panauhing pandangal na si Senator Robinhood Padilla at mga lokal na opisyal ng Camarines Norte, Bicol region para sa groundbreaking ceremony ngayong Miyerkules (Hunyo 19, 2024).

Ang Jose Panganiban Port ay matatagpuan sa Barangay Osmeña at mayroong export cargo operations. Bago ang pandemya, nakapagtala ang nasabing pantalan ng 8,673 MT ng foreign cargoes. Nakadaong din dito ang isang foreign non-RoRo vessel noong 2019.

"Malaking tulong po ito sa ating mga kababayan sa Camarines Norte lalo na't magsisilbi itong logistics hub dahil sa stratehikong lokasyon nito na nasa gitna ng Bicol region at National Capital Region (NCR). Ang mga produktong lokal ng Camarines Norte ay magkakaroon ng tulay sa pamamagitan ng PPA port na makarating sa mga karatig bansa,” ayon kay PPA General Manager Jay Santiago. 

Dahil sa proyektong ito inaasahan na makakapagtala ng 18,516 MT ng mga foreign cargoes at dalawang non-RoRo vessels sa Jose Panganiban Port pagsapit ng 2032.

“Gusto ko lamang pong bigyan ng parangal ngayong araw ang Philippine Ports Authority. Maraming maraming salamat po, hindi namin ito makakalimutan. Alam niyo po ang Camarines Norte, masakit mang sabihin, lagi kaming naiiwan, sa highway pa lang pagdating ng kanan Camarines Sur, pagkaliwa (Camarines Norte) nakalimutan na. Kaya tunay po ang sinabi na ang PPA po ang nagbigay sa amin ng pansin. Kayo po ang unang national agency ng gobyerno na tiningnan niyo po ang aming pag-asa na umunlad at ang pag-asa namin ay ma-develop namin ‘yung aming ports,” pahayag ni Sen. Padilla sa kanyang talumpati.

Makatutulong ang nasabing proyekto para sa importasyon ng mga lokal na produkto ng Camarines Norte, gaya ng coconut and by-products, iron ore, silica, copra, at iba pa. Ikinatuwa naman ng lokal na pamahalaan ng Camarines Norte ang mga pagbabago sa rehiyon ayon kay Camarines Norte Governor Ricarte Padilla. 

“Kung hindi dahil sa kanya hindi pa matutuloy ang reconstruction ng ating seaport and I see the dynamics of the national government now na kung saan ang tutok ay ang modernization ng ating ports. In behalf of the people of Camarines Norte, pasalamatan at palakpakan po natin ang general manager ng Philippine Ports Authority,” bahagi naman ng talumpati ni Gov. Padilla bilang pagpapasalamay sa PPA. 

Ang Jose Panganiban Port Improvement Project ay bahagi din ng misyon ng PPA na gawing moderno ang mga pantalan sa Pilipinas upang mapaunlad ang mga seaport at maritime industry sa bansa.

###