DISINFORMATION CAMPAIGN VS TOP-CRMS

30 JANUARY 2023, MANILA —Aminado si Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago na tuloy-tuloy ngayon ang disinformation campaign laban sa proyektong Trusted Operator Program - Container Registry and Monitoring Sytem (TOP-CRMS) ng PPA dahil may mga masasagasaan malalaking negosyo kapag itinuloy ang programa kahit pa aprubado na ito ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Ang mga sinasabi aniya ng mga tumututol dito ay taliwas sa totoong layon ng TOP-CRMS. "Ang problema po kasi natin kahit na anong eksplanasyon po ay di sapat kung ang motibo po ng mga tumututol ay dahil nga ayaw nilang mawala ang napakalaki nilang kinikita mula sa mga kaawa-awang importers at shippers. Mahirap po talagang tanggapin ang paliwanag lalong lalo na kung sila pong mga tumututol ay may kapasidad at mas may pera para maglahad nga mga di accurate na impormasyon para basagin at para mawalan po ng kredibilidad ang pagbabagong ating nilalayon” ani Santiago.

Malakas aniya ang pushback laban sa TOP-CRMS dahil may mga mawawalan ng napakalaking mga kita, dahilan rin para maglabasan ang mga maling imporasyon laban sa TOP-CRMS na malayo sa tunay nitong layunin na ibaba ang gastusin ng mga importasyon at lalong pabilisin ang galaw ng mga container upan mabawasan ang abala at binabayaran ng mga end users ng pantalan at sa kalaunan ay mapababa ang presyo ng mga bilihin.

“Kaya po malakas ang pushback at maingay po ang panig ng mga shipping lines at ilang malalaking negosyante ay kasi nga po nilalayon natin na pababain ang gastusin sa pag import ng mga kargamento” ani Santiago.

DAGDAG GASTOS?

Isa sa mga maling impormasyon ay ang mas lalaki daw ang gastos ng ating mga kababayan at magpapalala lang ito ng inflation. Mali aniya ito dahil layon nga ng programa na makatipid mula sa mga bayaring hindi naman monitored ng pamahalaan gaya ng container deposit na sinisingil ng mga shipping lines sa halagang Php 30,000 pataas na kadalasan ay buwan o taon ang bibilangin bago maisauli at madalas ay may kaltas o hindi na naibabalik nang tuluyan. Sa ilalim kasi ng TOP-CRMS hindi na kakailanganing magbayad ng Php 30,000 o higit pa na container deposit ang mga importers dahil ang babayaran na lang nila ay ang container registration and monitoring fee na Php 980 kung saan kasama na ang container deposit insurance para ang insurance company na lamang ang magbayad sa shipping line kung sakaling masira or mawala ang container. Kung naipatupad nga sana ito noong nakaraang taon, nasa Php 1.1B lang sana aniya ang binayaran ng mga kababayan natin kumpara sa Php 25B na binayaran sa mga shipping lines para lang mailabas ang kani-kanilang mga container noong nakaraang taon.

"Yan po ay kinukubra nila maliban pa po yan sa iba pang charges na ipinapataw nila na avoidable naman po or pwede sanang maiwasan. Ang magbebenefit kasi dito ay ang mga importers, shippers, truckers, brokers at kalaunan ay ang publiko at hindi yung mga shipping lines” dagdag pa ni Santiago.

DUPLICATION NG BOC?

Kabilang rin sa maling kumakalat na impormasyon ay ito duplication lang umano ang TOP-CRMS ng programa ng Bureau of Customs at hindi naman talaga pang-anti-smuggling. Ayon kay Santiago, magkaiba ang mandato ng dalawa— ang BOC ay para siguraduhin na ang pumapasok na kargamento ay legal at ito ay napatawan ng tamang taripa at buwis habang ang PPA naman ay may layong siguraduhin na maayos na nadidiskarga at nailalabas ang mga kargamento kabilang na ang mga containers sa mga terminal nito upang hindi nagkakaroon ng port congestion.

“Mukha pong di yata nila naiintiindihan or sadyang ayaw intindihin kung ano po talaga yung programa natin na TOP-CRMS. Ang E-TRACC po kasi ng Bureao of Customs ay applicable lamang sa mga kargamento na dinadala sa mga customs bonded warehouses at sa mga ecozones na kung saan hindi pa po bayad ang mga taripa o buwis ng mga nasabing kargamento. Maliit na porsiyento lamang po ng kabuuang kargamento na pumapasok sa ating bansa ang nasasaklaw niton E-TRACC. Yung sa ating TOP-CRMS po nilalayon nito na mawala na ang container deposit at masolusyunan yung problema sa pagsosoli at trapiko ng mga empty containers. Saklaw po nito lahat ng containers na dumadaan sa mga terminal ng PPA at hindi lamang yung saklaw ng E-TRACC. Malinaw na magkaibang magkaiba po ang layunin ng dalawang sistema.

Salungat din po ang kritisismo ng ilan na hahaba lang ang proseso ng pag-aangkat sa ilalim ng TOP-CRMS. Ayon sa pinapanukalang Implementing Operating Guidelines ng TOP-CRMS, limitado ang manual intervention sa sistema at ang kakailanganin lamang ay ang pagpasok ng driver ng truck ng impormasyon ukol sa katauhan ng driver at sa aktwal na delivery address ng container. Wala nang kailangan pang ibang papeles na kailangan kumpletuhin ang driver o pahinante. Dagdag pa ni Santiago, sa ilalim ng TOP-CRMS, magkakaroon rin ng digital online dashboard ang mga accredited shared container yard facilities ng PPA para masolusyunan ang mga inirereklamo ng mga port users na walang tumatanggap na mga yarda sa mga isinasauling empty container na nagreresulta sa mas marami pang gastusin kasama na ang lagayan sa mga traffic enforcers at mga bantay sa mga pribadong yarda.

DI KINAUSAP ANG MGA STAKEHOLDERS?

Mula 2019, ani Santiago nagsimula na ang public consultation tungkol sa TOP-CRMS, bago ito inaprubahan ng PPA Board, kung saan ay kasama na simula pa man ang mga tumututol ngayon at mga nagsasabing hindi sila pinakikinggan. Malayo na aniya ang narating mula sa unang draft ng Implementing Operating Guidelines ng TOP-CRMS dahil isa-isang kinonsidera at binigyang puwang ang mga pagbabago na nais ng mga stakeholders depende sa kanilang pangangailangan.

“Yun pong mga tumututol, sila po ay naimbitahan at nandun din po sila sa mga public consultation, pero kung ang motibo po ng mga nag-ooppose ay dahil nga ayaw nila matanggalan ng napakalaking kinikita, ay mahirap po talagang ipaliwanag sa kanila lalo na po kung sila ang mas maiingay at sila ang mas may kapasidad at may pera para magkaroon po sila ng kampanya laban sa TOP-CRMS” ani Santiago.

TOP-CRMS STATUS: DEFERRED

“Kasama po sa hindi tamang impormasyon na ipinapakalat po nila una po tinatakot nila yung buong sektor na sasabihin nila Feb.1 daw ang implementasyon ng TOP-CRMS tapos sasabihin po nila April 1 na naman. Wala pa po kaming sineset na fixed date para sa implementasyon ng TOP-CRMS sapagkat ito ay dumadaaan pa sa proseso ng ARTA na Regulatory Impact Assessment upang masigurado na hinde ito makaladagdag pa sa red tape. Mayorya na ng mga organisasyon ng mga truckers at mga customs brokers ang sumusuporta dito sapagkat alam nila na silang maliliit na stakeholders ang magbebenepisyo sa programang ito” paglilinaw ni Santiago.

Sa ngayon kasi dine-fer ng mayorya ng PPA Board ang implementasyon ng programa at wala pang kasigraduhan kung kailan ito magsisimula. Ani Santiago, pag naipatupad ang TOP-CRMS mas bababa ang logistics costs ayon sa direktiba ni Pangulong Marcos para bumaba ang presyo ng mga bilihin sa merkado.

“Tuloy pa rin po naming iniimprove ang programa para kung bibigyan ng pagkakataon ng ating Pangulo na to po ay maimplement, maiinplement po natin ito nang maayos. Ang nais po natin mapababa ang logistics costs para bumaba ang presyo ng mga goods, ang kakampi po natin dito ay yung taumbayan.”

###