8 OPISYAL NG PPA SA BOHOL, SINIBAK MATAPOS MAG-INUMAN SA LOOB NG OPISINA

18 AGOSTO 2023, MAYNILA —Agad na tinanggal sa posisyon ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago ang walong ( 8 ) opisyal ng Port Management Office (PMO) Bohol matapos mahuli sa CCTV na nag-iinuman sa loob mismo ng multipurpose hall ng opisina ng pantalan nitong August 16, 2023 bunsod ng selebrasyon ng birthday ng Acting Port Manager ng Bohol na kinilalang si Lord Tyrone Agaton.

Base sa imbestigasyon ng PPA, nakita sa surveillance video na nag-paparty ang empleyado at mga opisyal ng PMO Bohol nitong Miyerkules ng gabi na pinangunahan pa mismo ng acting port manager, mga miyembro ng port police, kasama ang mga bisitang banda habang nag-iinuman sa loob ng opisina. Kabilang sa mga nasibak ay sina Acting Port Manager (APM) Lord Tyrone Agaton na dating principal Engineer ng PMO Western Leyte/Biliran bago maging Acting Port Manager ng Bohol nitong Hunyo a-uno ngayong taon, kasama sina PMO Bohol Port Services Division Manager Julius Jumangit, Atty. Sherlito Columnas Jr. ng legal department, Safety Officer Atty. Romeo Cabading II at lima na port police officers na pinangalanang sina: Edcel E. Epan, Victor B. Cagulada, Mary Maricka R. Aguirre, Meljann B. Oronan, at Emily Ross C. Tubio.

Ayon kay Santiago, hindi karapat-dapat sa serbisyo ng gobyerno ang mga tiwali at abusadong opisyal na hindi marunong rumespeto sa mga pasilidad na ng pamahalaan na ginawa para sa taumbayan.

"Wala puwang sa pamahalaan ang mga opisyal na ginagawang inuman ang opisina, kahit birthday o anumang okasyon hindi dapat umiinom ng alak sa opisina. Dapat nga sila pa mismo ang nangunguna sa pagpapanatili ng kaayusan sa pantalan at hindi nangunguna sa pagiging hindi magandang ehemplo sa kanilang mga nasasakupan sa Bohol", ani Santiago.

Agad namang humingi ng paumanhin ang Acting Port Manager ng Bohol, depensa nito bunsod lamang ng kalasingan sa alak kaya't nakuha nilang mag-inuman, mag-sayawan, at magkantahan sa loob mismo ng opisina sa pantalan.

Ani Santiago, hindi nagsisinungaling ang CCTV at isang malaking pagkakamali na gawin ang inuman sa loob ng opisina kasama ang mga matataas na kawani ng pantalan sa Bohol.

"Kahit saang anggulo mo tingnan, mali talaga eh, buti na lang mayroon tayong mga gumaganang CCTV o yung surveillance system natin sa buong pantalan na sakop ng PPA na na-momonitor natin sa head office. Patunay lamang ito na hindi tayo nagpapabaya sa ating tungkulin na ayusin ang pantalan at mga kawani nito at patunay rin ito na seryoso tayo sa pagsasaayos ng 130 na pantalan nationwide", dagdag ni Santiago.

Base sa inisyal na imbestigasyon, ginamit pa sa pag-iinom at pag-paparty ang mga lamesa at upuan ng opisina ng PMO Bohol na ginagamit sa mga pagpupuplong at mga opisyal na transaksyon ng gobyerno. Agad namang lumabas rin ngayong araw ang memorandum ni Santiago na nagtatalaga ng bagong papalit na port manager sa Bohol.

###