15 ABRIL 2025 — Sa isinagawang inspeksyon nina Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon at Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Daniel Santiago nitong Lunes, (Abril 14, 2025) sa Manila NorthPort Passenger Terminal, inikot ng mga opisyal ang iba’t ibang pasilidad ng pantalan kasama ang mga kinatawan ng operator ng pantalan na ito na Manila North Harbour Port Inc. (MNHPI) at ng shipping line na 2GO Group Inc.
Dito, nakita ng kalihim na handa na ang Manila North Port sa inaasahang dagsa ng mga pasahero pagdating ng Miyerkules at Huwebes Santo kung saan tinatalang aabot sa 2,000 kada araw ang mga pasahero rito. Handa na rin ang mga pasilidad gaya ng air-conditioned rooms para sa mga senior citizens, may kapansanan, buntis, at mga bata. Nakalatag na rin ang mga help desk at mga port police kasama ng mga K9 units na naglilibot para masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero. Bukod sa mga nabanggit, nakahanda na rin ang water refilling station at charger station para sa mga nag aantay ng byahe sa pantalan.
Kasunod nito, tiniyak DOTr at PPA na bago magtapos ang taon ay tuloy na ang matagal nang naudlot na pagpapatupad ng online ticketing system para sa domestic sea travel, bilang bahagi ng kanilang layunin na tiyakin ang kaligtasan, transparency, at kaginhawaan ng mga pasahero.
“Hindi ko maintindihan kung bakit ngayon lang natin talaga ito nai-implement sa shipping industry. Paulit-ulit na sinasabi ni Pangulong Bongbong Marcos na ang safety at convenience ng mga pasahero ang pinakamahalaga,” ani Secretary Dizon.
Layon ng electronic ticketing system na bawasan ang pila at siksikan sa mga terminal, maiwasan ang overbooking, at mapahusay ang real-time monitoring ng bilang ng pasahero.
Ayon kay GM Santiago, ang sistema ng online ticketing ay dumaan na sa proseso ng procurement at kasalukuyang nire-reevaluate para tuluyang maipatupad ngayong taon.
“Maganda sana kung naipatupad na ito noong 2022, ngunit naantala ang implementasyon. Ngayon, may direktiba na si Secretary Dizon na muling pag-aralan ito. Nakikita rin namin sa PPA na panahon na talaga para magkaroon ng transparent at convenient na sistema ng pagbebenta ng ticket,” dagdag pa ni GM Santiago.
Kapag ganap nang naipatupad, inaasahan itong makapagpapabago sa ticketing process sa mga pangunahing pantalan at magdadala ng mas episyente at maayos na karanasan para sa mga biyahero.
Ngayong Semana Santa 2025, inaasahang aabot sa 1.73 milyong pasahero ang dadagsa sa mga pantalan sa buong bansa mula Abril 12–20. Ayon sa PPA, ang pinakamaraming bilang ng mga pasahero ay inaasahang maitatala sa Holy Wednesday at Maundy Thursday.
###