MGA INTERNATIONAL CRUISE SHIPS NAKATAKDANG BUMISITA SA BANSA NGAYONG 2025

Nakahanda na ang PPA sa pagdagsa ng mga cruise tourists ngayong tag-init, kabilang ang mga bagong pantalan at mga hakbang para sa komportableng karanasan ng mga pasahero.
06 MARSO 2025 — Ngayong pumalo na sa 43 degrees Celcius ang heat index sa ilang bahagi ng bansa at habang papalapit na ang mga buwan ng tag-init o summer season, maagang nakapaghanda ang Philippine Ports Authority (PPA) sa inaasahang mas pagsigla pa ng industriya ng cruise tourism dahil sa nakikitang malaking pagtaas sa bilang ng mga bibisitang international cruise vessels at dayuhang turista sa mga pangunahing destinasyon sa buong bansa sa unang quarter ng 2025.
Batay sa paunang tala ng PPA, umabot na sa 52,043 ang bilang ng mga cruise passenger na bumaba at sumakay sa mga international cruise vessel na dumaong sa mga pantalan sa bansa sa unang buwan pa lamang ng 2025. Bukod dito, umabot na sa 20 ang cruise calls na naitala sa mga pantalan sa ilalim ng pamamahala ng PPA.
Sa panahon naman ng tag-init, inaasahang madaragdagan pa ito ng 22 cruise calls sa iba't ibang pantalan sa bansa, kabilang na ang mga pangunahing destinasyon gaya ng Maynila, Boracay, at Palawan. Kabilang sa mga international cruise vessels na dadaong ay ang MS Riviera na nakarehistro sa Marshall Islands at pag-aari ng Norwegian Cruise Line Holdings Ltd.; Azamara Onward na nakarehistro sa Malta at pag-aari ng Sycamore Partners; Silver Whisper na nakarehistro sa Bahamas at pag-ari ng Royal Caribbean Group, at iba pang kilalang international cruise vessels.
Sa gitna naman ng banta ng pagtaas pa ng heat index sa ilang lugar sa bansa, nagsagawa na ng mga hakbang ang mga pantalan para maging komportable ang mga cruise passenger, kabilang na rito ang paglalagay ng mga water stations, pagtitiyak na maayos ang air-conditioning system sa pantalan, paglalagay ng tent sa berth side ng barko, at pagkakaroon ng shuttle services para sa paghahatid at pagsundo sa mga pasahero. Mayroon ding nakahanda na medical assistance sakaling magkaroon ng emergency.
Upang lalo pang masuportahan ang lumalagong cruise tourism, naglaan ng pondo ang PPA para sa pagtatayo ng mga bagong pantalan na nakalaan para sa cruise vessels. Noong 2024, natapos ng ahensya ang pagtatayo ng cruise ship port sa Port of Jubang sa Dapa, Surigao del Norte habang nagpapatuloy naman ang pagbuo sa kaparehong cruise ship port sa Coron, Aklan, Camiguin, at Puerto Galera.
Patuloy ring pinagtitibay ng PPA ang ugnayan nito sa iba’t ibang ahensya, gaya ng Department of Transportation (DOTr), Department of Tourism (DOT), at Philippine Coast Guard (PCG). Nitong Marso 5, 2025, nakipagpulong si GM Santiago kay Transportation Secretary Vivencio “Vince” Dizon at PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan sa National Head Quarters ng PCG upang palakasin ang ugnayan at pagtutulungan sa pagpapahusay ng mga pantalan at iba pang gateway sa bansa. Bago ito ay nagkaroon din ng pagpupulong si Secretary Dizon sa DOT kung saan napag-usapan din ang paglago ng turismo sa bansa.
Para kay PPA GM Santiago, ang pag-upgrade at pagbuo ng mga bagong pantalan ay magiging daan para mas makilala ang bansa sa cruise tourism.
“Ang ginagawa po nating modernization at pagtatayo ng mga bagong pantalan ay bilang pagtupad sa ating layunin na gawing top global destination sa Asya ang Pilipinas para sa mga cruise ships. Sa pagdami ng mga bibisitang international cruise vessels, hindi lamang ngayong summer kundi sa mga susunod pang mga panahon, tiyak na magbibigay ito ng pagkakataon para sumigla rin ang mga negosyo mula sa mga tour operators hanggang sa mga tindahan ng souvenir, at mas magpapataas sa pagkilala sa Pilipinas bilang best cruise destination,” ayon kay PPA GM Santiago.
Sa pagtatapos ng 2024, nakapagtala ang PPA ng 61.9% na pagtaas sa cruise passenger arrivals na umabot sa 142,574 passengers mula sa 88,080 noong 2023. Ngayong 2025, inaasahang tataas pa ito at aabot sa 185,000 cruise passengers, patunay na patuloy ang pagtitiwala ng mga cruise operators at international tourists sa bansa bilang premier cruise destination.
Kabilang sa mga sikat na destinasyon na binibisita ng mga cruise tourist ay ang Baclayon Church at Chocolate Hills sa Bohol, pati na rin ang world class na beach sa Boracay. Tuloy-tuloy din ang pakikipagtulungan ng PPA sa mga lokal na pamahalaan at iba pang stakeholder upang matiyak ang maayos at maginhawang karanasan para sa mga pasahero at komunidad na makikinabang mula sa cruise tourism.
###