MGA EMPLEYADO NG PPA, SUMAILALIM SA SURPRISE DRUG TEST

25 ABRIL 2023, MAYNILA — Nagsagawa ng surprise drug test ang mga kawani ng Philippine Ports Authority (PPA) nitong ika-18 ng Abril taong 2023 bilang pagtalima sa umiiral na PPA Memorandum Order 04-2016 o ang “Drug Free Workplace Policy” na naglalayong magkaroon ng maayos, malinis, at malayo sa droga na mga opisina ng PPA.

Negatibo ang lahat ng humigit kumulang liman-daang empleyado ng PPA mula sa Head Office, Port Management Office (PMO) ng NCR- North at PMO NCR- South.

“Sinisigurado ng PPA na naipapatupad natin ang mga ganitong regulasyon para mapanatili ang kaayusan sa ating ahensya. Sumasalamin sa ginawa nating surprise drug testing ang katapatan ng ating mga empleyado sa pagkakaroon ng malinis at serbisyong may integridad. Layon din namin maging ligtas ang opisina at magkaroon ang lahat ng healthy lifestyle kahit nasa trabaho” ayon kay PPA General Manager Jay Santiago.

Alinsunod ang nasabing memorandum sa RA 9165 o killala din bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kung saan ipinapatupad ang pagkakaroon ng “random drug testing” sa mga opisyal o empleyado ng mga pampubliko o pribadong opisina.

“Bilang mga empleyado ng gobyerno, dapat tayo mismo ay maging mabuting modelo sa publiko lalo na at wala namang magandang naidudulot ang droga sa ating katawan. Nagsama na rin kami ng PDEA para sila na mismo ang bahala kung sakaling may mag positibo sa mga sumailalim sa surprise drug test,” ayon kay Port Police Supt. Acting Manager Genaro P. Mancio Jr.

Suportado ng PPA ang pambansang polisiya laban sa illegal na droga at daan patungo sa  ligtas at kaaya-ayang  workplace environment.

###